Nakatakdang magbalik ang Pinoy-made chocolate na minahal ng marami simula dekada 1950s ngayong 2026.
Inanunsyo ng Serg’s Chocolates sa social media page nila noong Lunes, Enero 26, ikinuwento nila bagama’t maraming pagsubok ang kinaharap nila sa mga nagdaang taon, na nagdulot para ma-delay ang pagbabalik nila.
Kabilang dito ang COVID-19 pandemic at ang pag-apaw ng baha sa warehouse nila noong kasagsagan ng bagyong Carina noong 2024, ang taong 2026 ang kanilang “restart year.”
Anila, sa unang quarter ng comeback nilang ito, magsismula sila sa chocolate bars, kahalintulad noong nagsisimula pa lamang sila noong 1954.
Ibabahagi rin daw nila sa publiko ang kanilang Q1 plan and progress sa publiko para matiyak ang transparency at pananagutan.
Kaya sa kasalukuyan, pakiusap nila sa publiko na tulungan ang Serg’s Chocolates at maipagpatuloy ang kanilang legasiya, sa pamamagitan ng pag-share ng kanilang social media pages, at pagbabahagi ng kanilang mga alaala kasama ang Serg’s Chocolates sa mga bagong henerasyon.
Saad pa nila, sa pamamagitan nito, umaasa silang magpapatuloy ang Serg’s sa ikatlong kwarter ng 2026.
Ang nasabing pagbabalik na ito ay mainit na sinalubong ng maraming Pinoy sa kanilang social media page.
Ang ilan ay agad na ibinahagi ang kanilang “kuwentong Serg’s Chocolates,” habang may iba naman na nag-request ng “sugar-free” chocolates dahil “matatanda” na raw ang original fans nila.
“Ikaw pa rin talaga, pero sana, maglabas din kayo nang sugarfree versions, kasi matatanda na ang mga original fans ninyo. Bawal na ang matatamis .”
“Sana same wrapping parin para mas ramdam yung memories.”
“Batang serg's chocolate bar.”
“I used Serg’s wrappers as stationery so, my letters were chocolate-scented.”
“Just build it and we will come.”
Ang Serg’s Chocolates ay nagsimula noong 1954, kung saan sila rin ang nag-produce ng ilan pang sikat na kutkuting matatamis ng maraming batang Pinoy tulad ng Serg’s Chocolate Bar, Moonbits, and Cocoa Powder.
Gayunpaman, dahil sa nangyaring pinansyal na krisis noong dekada 1990s, opisyal na nagsara ang kompanya noong 2001.
Sean Antonio/BALITA