January 27, 2026

Home BALITA

'Huwag magpapaloko!' DSWD binalaan publiko vs AI video ng pamimigay umano nila ng bulok na pagkain

'Huwag magpapaloko!' DSWD binalaan publiko vs AI video ng pamimigay umano nila ng bulok na pagkain
Photo courtesy: DSWD


Pinaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko kaugnay sa kumakalat na AI-generated video na nagpapakita ng maling impormasyon hinggil sa pinamimigay nilang relief goods.

Ayon sa naturang content, bulok umano ang ibinibigay na pagkain ng DSWD.

“Wala na ngang maayos na tirahan, tapos bulok na pagkain pa ang ibibigay? Magkaroon naman kayo ng hiya!” saad ng nasabing content.

Sa isang Facebook post noong Lunes, Enero 26, sinabi ng kagawaran na sila ay tapat sa maayos na pagpapamahagi ng tulong sa mga Pilipino—lalo na sa mga apektado ng kalamidad.

“Nako! Mag-ingat po tayo dahil may mga content na ginagamit ang Artificial Intelligence (AI) para magmukhang totoo at para kayo ay malinlang,” panimula ng DSWD.

“Isa sa mga kasalukuyang kumakalat sa social media ang isang AI-generated video na naglalaman ng maling impormasyon kaugnay sa mga relief items na ibinabahagi ng Kagawaran tuwing may kalamidad,” anila.

“Mga kababayan, ang DSWD ay nananatiling tapat sa malinaw, maayos at makataong pamamahagi ng tulong, alinsunod sa itinakdang pamantayan at proseso,” dagdag pa nila.

Binigyang-diin din ng kagawaran ang kahalagahan ng pagiging mapanuri, lalo’t ngayon ay laganap ang AI-generated contents sa iba’t ibang social networking sites.

“Sa panahong lalong nagiging makatotohanan ang mga ganitong AI-generated content, mas mahalagang maging mapanuri. Huwag basta maniwala at magbahagi para maiwasan ang kalituhan at maling pahayag,” anang kagawaran.

Paalala pa nila, tiyaking sa opisyal na pahina ng DSWD lamang kukuha ng impormasyon, upang masiguro na ito ay wasto at tama.

Photo courtesy: DSWD/FB

Samantala, makikita naman sa social media posts ng DSWD na patuloy ang pagbabahagi nila ng tulong sa mga apektadong Pilipino ng nagdaang kalamidad at trahedya—partikular na ang sakunang sinapit ng MV Trisha Kerstin 3 noong Lunes, Enero 26 sa Baluk-Baluk Island, Basilan.

KAUGNAY NA BALITA: Shipping line ng lumubog na M/V Trisha Kerstin 3, nakiramay sa mga kaanak ng kanilang mga pasahero-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA