January 27, 2026

Home BALITA

DBM Usec. Libiran, nagsampa ng 4 counts ng cyber libel laban kay 'Maharlika'

DBM Usec. Libiran, nagsampa ng 4 counts ng cyber libel laban kay 'Maharlika'

Nagsampa ng apat na bilang ng cyber libel si Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Goddes Hope Libiran laban sa vlogger na si Claire Contreras, mas kilala bilang “Maharlika,” kaugnay ng sunod-sunod na umano’y mapanirang posts at live vlogs sa social media.

Nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) si Libiran noong Lunes, Enero 26, upang magsampa ng naturang reklamo, na nag-ugat sa umano'y pahayag at akusasyon ni Maharlika online laban umano sa kaniya.

“Marami na siyang nasirang buhay. Hindi man lang niya inaalam kung totoo ba ang mga sinasabi niya bago siya mag-post o mag-vlog,” saad ni Libiran. “Ginagawa ko ito para sa lahat ng mga taong siniraan niya ng walang kalaban-laban.”

Giit pa ni Libiran, ang mga nasabing posts at live videos ay umabot sa libo-libong views, reactions, at shares, na nagbunsod umano ng "matinding pang-aalipusta, panlalait, at pag-atake hindi lamang laban sa kaniya kundi pati sa kaniyang pamilya."

'Huwag magpapaloko!' DSWD binalaan publiko vs AI video ng pamimigay umano nila ng bulok na pagkain

Aniya, ang mga akusasyon ay walang kinalaman sa kaniyang trabaho sa gobyerno at pawang personal na paninira.

“Hindi ito tsismis, hindi ito opinyon, at lalong hindi ito ‘content.’ Ito ay kasinungalingan na paulit-ulit na ipinakalat para sirain ang pagkatao ng isang tao. May hangganan ang kalayaan sa pananalita, at doon nagtatapos iyon kapag may sinasaktan at sinisirang buhay," dagdag pa niya.

“Hindi ako tatahimik habang ginagawang libangan ang paninira ng kapwa. Panahon na para managot ang mga taong gumagamit ng social media bilang sandata para mangwasak ng buhay, reputasyon, at pamilya." 

Samantala, habang isinusulat ito, wala pang pahayag o komento si Maharlika kaugnay sa isinampang cyber libel laban sa kaniya.