Handa na umano si International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti para sa nakakasang confirmation of charges ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang Facebook post ni Conti noong Lunes, Enero 26, sinabi niyang natuldukan na umano ang kawalang katiyakan sa kaso ni Duterte sa ICC.
Ito ay matapos pagpasyahan ng naturang korte na kayang humarap ng dating pangulo sa paglilitis kaugnay sa kaso nitong crime against humanity.
“Today's decision that Duterte is fit to stand trial ends some of the uncertainty in the case of Duterte at the ICC,” ani Conti.
Nakatakdang ganapin sa Pebrero 26, 2026 ang pagdinig sa confirmation of charges ni Duterte, limang buwan ang makalipas ang orihinal na schedule noong Setyembre 2025.
Ayon kay Conti, ang eksaktong saklaw ng kaso ay tatalakayin sa susunod na hearing kasama na ang proposal mula sa prosecution na isinumite noon pang Hulyo 2025.
Gayunman, inaapura pa rin ng mga biktima ng giyera kontra droga ang prosecution at korte na palawigin ang gawaing iniuugnay kay Duterte mula sa mga pagpatay at iba pang hindi makataong gawain.
Dagdag pa niya, “This should also end the drama about an old and frail man; the Court clearly finds that Duterte is a perceptive person who has a broad understanding of what he has been charged with.”
Sa huli, tiniyak ni Conti na handa sila sa araw ng pagdinig sa confirmation of charges ni Duterte.
“We assure all that we will be ready for that day, and for every day this case is heard in court,” anang ICC Assistant to Counsel.
Matatandaang nauna na niyang na kung makukumbinse umano ng independent medical experts ang mga hukom na ideklarang may kakayahan si Duterte na humarap sa paglilitis, ipagpapatuloy ang pagdinig sa confirmation of charges nito sa lalong madaling panahon.
Maki-Balita: Confirmation of charges ni FPRRD, itatakda agad sakaling mapatunayang ‘fit to stand trial’—Conti