Ibinahagi ng aktres at It’s Showtime host na si Anne Curtis, sa kaniyang social media nitong Martes, Enero 27, ang pagkaalarma niya sa kumakalat na Nipah Virus.
Makikita sa nasabing reposted update ni Anne sa X ang balita ni ABS-CBN News journalist MJ Felipe ang tungkol sa patuloy na paghihigpit ng mga bansang Thailand, Taiwan, at Hongkong dahil sa outbreak ng Nipah Virus sa West Bengal, India.
“Thailand, Taiwan, Hongkong have tighten[ed] their airport health screening and protocols after an outbreak in West Bengal in India occurred,” saad ni MJ sa kaniyang news update.
“What do you need to know about Nipah Virus? Is it deadly? And is the Philippines ready for this?” dagdag pa nito, kasama ang link sa isang artikulo.
Bilang tugon, caption ni Anne ang takot at pagka-”praning” nang basahin niya ang nasabing update.
“I was just reading about this. Afraid . #praningSiANNEing,” aniya.
Dahil dito, ano nga ba ang Nipah Virus? Dapat rin ba talaga itong katakutan?
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang Nipah Virus ay isang seryoso at nakamamatay na sakit, kung saan tinatayang 40% hanggang 70% ng mga taong nagkakaroon nito ay nnamamatay.
Ang Nipah ay isang sakit na kumakalat sa mga hayop at tao.
Ayon pa sa CDC, fruit bats o flying foxes ang nagdadala ng virus na ito.
Unang naitala ang Nipah Virus (NiV) outbreak noong 1999, mula sa mga baboy at tao, mula sa Malaysia at Singapore, kung saan, tinatayang 300 katao ang nagkasakit at higit 100 dito ay nasawi.
Sa outbreak na ito, naitala na naipakalat ng mga paniki ang virus sa mga baboy, at dahil pagkahalubilo ng mga tao sa mga na-impeksyong baboy, nagkaroon ng pagkakahawa.
Saad pa ng CDC, ang fruit bats na may dalang Nipah virus ay matatagpuan sa iba’t ibang parte ng Asya, South Pacific, at Australia.
Mga sintomas ng Nipah Virus
Habang maaaring maging asymptomatic ang manipestasyon ng Nipah Virus sa mga tao, ayon sa European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC), narito ang ilan pang sintomas na maaari ding makita sa mga taong maiimpeksyon ng virus na ito:
- Lagnat
- Headache o sakit ng ulo
- Muscle pain o pagsakit ng mga kalamnan
- Nausea o pagsusuka
- Sore throat o pagsakit ng lalamunan
- Ubo
- Respiratory discomfort
- Encephalitis o isang medical condition na lumalarawan sa pamamaga ng tisyu ng utak (makikita rito ang pagkahilo, pagkaantok, altered state of consciousness o iba pang kakaibang sintomas sa pag-iisip).
Latest update hinggil sa Nipah Virus
Ayon sa iba’t ibang ulat ng international media, naka-high alert ang mga airport sa mga bansang Thailand, Taiwan, at Nepal, matapos ang Nipah Virus outbreak sa West Bengal, India, kung saan dalawang kaso na nito ang kumpirmado at lima ang kasalukuyan pang kinakikitaan ng mga senyales.
Sa Pilipinas, tiniyak ng Department of Health (DOH) na naka-high alert sila at nakahanda na ang kanilang updated guidelines, mula sa unang Nipah Virus outbreak naman sa Sultan Kudarat, Mindanao, noong 2014.
Kaya abiso ng mga eskperto sa publiko na iwasang mag-panic, bagkus ay maghanda at alamin ang mga posibleng preventive measures ng virus bago pa man ito umabot sa kanilang komunidad.
Sean Antonio/BALITA