Inaresto ang isang airport staff matapos itong magbitiw ng isang bomb-related joke sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Lunes, Enero 26.
Base sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) nitong Martes, Enero 27, lumabas sa initial findings nila na habang nasa manual inspection, pabirong sumigaw ang station loader ng “OH… AYAN MAY BOMBA DYAN!” habang iniaabot ang kaniyang vest.
Ang nasabing pahayag, bagama’t pabiro, ay nagdulot ng pagkabahala sa mga naka-duty na aviation security personnel.
Kaya nang marinig nila ito, ipinaalala ng airport security screener na ang pagbibitiw ng anumang pahayag hinggil sa explosive devices at mga bomba ay may karampatang legal na parusa.
Dito ay agad ding na-notify ang ilan pang supervisory officers, kaya kasama ang ilan pang indibidwal na kaugnay sa insidente ay agad nadala sa NAIA Police Station 3 para nararapat na disposisyon.
Ayon pa sa PNP-AVSEGROUP, bilang parte ng kanilang standard security protocols, nagsagawa ng clearing at sniffing operations sa lugar ng insidente ang PNP Aviation Security Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit.
Kung saan natagpuan naman nilang walang kahit anong explosive devices rito.
Sa kasalukuyan, isang criminal complaint ang inihahanda, habang ang nasabing airport staff na nagbitiw ng bomb joke ay nasa kustodiya na ng NAIA Police Station 3.
Sa pagtatapos ng pahayag, mariing ipinaalala ni PBGen Dionisio B. Bartolome Jr., Director of PNP AVSEGROUP, sa publiko na maging maingat sa kanilang mga salita na posibleng magdulot ng pangamba sa kaligtasan ng lahat, partikular sa mga airport, dahil ang anumang biro hinggil sa explosive devices ay may karampatang parusa sa batas.
"Any form of joke involving bombs or explosives will be dealt with accordingly. We remind everyone to remain responsible and mindful of their words, as such remarks compromise security and public safety inside airport premises", saad ng opisyal.
Sean Antonio/BALITA