Ligtas na narekober ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) Battalion ang 23 unexploded explosive ordnance (UXO) sa Davao City kamakailan.
Ayon sa Facebook post ng EOD Battalion nitong Martes, Enero 27, ang mga narekober na UXO ay natagpuan sa Purok Balite, Brgy. Buhangin, Davao City noong Sabado, Enero 24.
Base sa kanilang ulat, ang mga bomba ay natukoy bilang Type 99, Nr 3, at Mark 3 na pinaniniwalaang ginamit pa ng Japanese Navy noong World War II, at bawat isa rito ay may bigat na 32 kgs.
Bagama’t kinakitaan ng kalumaan, dahil sa mga panganib na posibleng dulot nito sa kapaligiran at mga karatig-komunidad, agad itong tinugunan at nirekober ng EOD Battalion.
Ang nasabing operasyon ay pinangunahan nina MSg. Jonhmar M. Sudio (OS) PA, Platoon Sergeant at Sgt Ryan B Vilando, ang EOD Specialist of the 3rd Explosive Ordnance Disposal Platoon ng 2nd EOD Company, EOD Battalion, SPTCOM, Philippine Army (PA)
Kasama rin nila rito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) K9 units, Task Force Davao, at National Bureau of Investigation (NBI )Region XI.
Sean Antonio/BALITA