Nagpahatid ng pakikiramay ang shipping line ng M/V Trisha Kerstin 3 matapos itong maiulat na lumubog sa Baluk-Baluk Island, Basilan, nitong madaling-araw ng Lunes, Enero 26.
“Our thoughts and hearts are with everyone who was on board and with their families during this extremely difficult time,” saad ng Aleson Shipping Lines, Inc. sa kanilang pahayag.
Ipinabatid din nila ang pagpapasalamat sa local government units at mga ahensya, partikular kina Gov. Mujiv Hataman at Mayor Arsina Kahing-Nannoh na agad rumesponde at nagbigay ng tulong sa insidente ng paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3, na may lulan na 332 pasahero at 27 crew members.
Ipinaliwanag din ng shipping lines na sa pagkakatanggap nila ng distress call, agad nilang in-activate ang kanilang quick response measures at patuloy na nakikipagtulungan sa Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang awtoridad sa search and rescue operations.
Matatandaang naiulat ng Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM) na natanggap nila ang distress call mula sa MV Trisha Kerstin 3 noong 1:50 ng umaga, nito ring Enero 26.
Ayon sa social media ni Kagawad Gamar “Gams” Alih, isa sa mga naiulat na nasawi mula sa paglubog ng passenger vessel ay isang sanggol na babae.
Habang nagpapatuloy ang malawakang search and rescue operations sa Basilan, na dapat ay tutungo sa Jolo, Sulu.
MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
Sa kasalukuyan din ay nananawagan sa mga awtoridad at publiko ang kapatid ng on-duty cadet na si Kyle Punsalang na kasama rin sa M/V Trisha Kerstin 3.
Base sa social media ng kapatid niyang si JP Punsalang, nakapagpadala pa ng mensahe si Kyle sa kanila.
“[M]e tagilid among barko. [T]abangggg,” saad ni Kyle sa nasabing screenshot message.
Kaya direktang nananawagan si JP sa Local Government Unit (LGUs) ng Zamboanga at Isabela de Basilan hinggil sa posibleng kinaroroonan ng kaniyang kapatid.
“To all people who might see this post, I am humbly asking for your help if either you have contacts from LGUs of Zamboanga and Isabela de Basilan with regards the whereabouts of my brother CADET Kyle Punsalang,” ani JP.
“If hindi po LGU, baka ang from the coast guards or taga doon malapit sa port to help us locate him. Thank you so much, and may Father Yahweh bless us al! CONTACT #: 09109299950,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: Cadet na kasama sa lumubog na RORO sa Basilan, nakontak pa pamilya!
Sean Antonio/BALITA