Hindi pa rin pumapasok sa Senado si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa sa pagpapatuloy ng sesyon nitong Lunes, Enero 26.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, sa panayam ng mga mamamahayag sa kaniya, sinabi niyang wala siya at wala pa siyang natatanggap na abiso mula sa kampo ng kapwa senador kung bakit wala siya sa pagbubukas ng sesyon.
“Hindi pa siya nagpaparamdam. I have not heard any information from Senator Bato," aniya.
Sa roll call sa sesyon, 23 sa 24 na senador ang pumasok at tanging si Dela Rosa lamang ang liban.
Ayon pa kay Sotto, nagtataka umano siya kung paano nakalagda si Dela Rosa sa inilabas na dokumento ng Senate minority kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood control projects, gayong hindi naman ito pumapasok sa Senado.
Nilinaw ni Sotto na ang naturang dokumento ay hindi opisyal na ulat ng pangunahing komite. Aniya, ito ay isang minority opinion na inilabas ng minority bloc at hindi ng Senate Blue Ribbon Committee na siyang pangunahing nangangasiwa sa imbestigasyon.
Matatandaang nagsimula ang sunod-sunod na pagliban ni Dela Rosa noong Nobyembre ng nakaraang taon matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may inilabas nang arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng umano’y papel nito sa madugong kampanya kontra droga, noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay na Balita: Bato, halos 1 buwang absent! Gatchalian nausisa kung 'no work, no pay' rin mga senador
Kamakailan lamang, nakapag-post pa si Dela Rosa para sa kaniyang kaarawan, at sinabing hindi siya basta magpapahuli sa mga dayuhan.
Kaugnay na Balita: Sen. Bato, 'alive and well' sa kaniyang 64th birthday
Nasabi rin ng senador na hindi umano siya lalabas hangga't walang malinaw na procedure patungkol sa nabanggit na umano'y bantang pag-aresto sa kaniya ng ICC.
Kaugnay na Balita: Sen. Bato, 'di lalabas hangga't walang malinaw na procedure sa arrest warrant ng ICC