January 26, 2026

Home BALITA National

PCG, pinuri kapitan ng lumubog na cargo ship sa WPS; mga kasama, 'di pinabayaan!

PCG, pinuri kapitan ng lumubog na cargo ship sa WPS; mga kasama, 'di pinabayaan!
Photo courtesy: PCG via MB

Binigyang-papuri ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kabayanihang ipinakita ng kapitan ng M/V Devon Bay dahil sa hindi umano nito pag-iwan sa kaniyang mga kasamahan nang lumubog ang kanilang cargo ship sa West Philippine Sea (WPS) noong nakaraang linggo. 

Ayon sa naging pahayag ni PCG Admiral Ronnie Gil Gavan, habang nagpapatuloy ang kanilang search and rescue operation sa lumubog naman na Roll-on/Roll-off (RORO) mula Zamboanga na biyaheng Jolo, Sulu, nitong Lunes, Enero 26, sinabi niyang gusto raw niyang bigyang-diin ang kabayanihan ng kapitang si Elimar Jucal na tubong Negros Occidental. 

MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero

“I want to highlight the heroism of the captain of M/V Devon Bay. Si Captain Elimar Jucal from Negros Occidental,” pagsisimula niya. 

National

Ex-CHED chair, binatikos matapos maghayag ng pagkadismaya sa pagkakaltas ng GE subjects

Ani Gavan, hindi raw naunang umalis at hindi pinabayaan ni Jucal ang kaniyang mga kasamahan nang lumubog ang M/V Devon Bay. 

Sa kasamaang palad, kasama umano si Jucal sa apat (4) patuloy pa ring nawawala nang lumubog ang nasabing cargo ship. 

“Hindi niya po pinabayaan ang kaniyang mga kasamahan, hindi po siya naunang umalis ng barko, at sa katunayan, isa siya sa apat na missing pa sa ngayon na patuloy pa rin nating pinaghahanap,” aniya. 

Pagpapatuloy pa ni Gavan, isang inspirasyon daw si Jucal para sa lahat ng mga marinong Pinoy. 

“Isa pong inspirasyon sa bawat marino na makita na ‘yong lider, ang iyong kapitan ay hindi nauunang tumakas sa sakuna,” saad niya. 

Dapat daw na maging “proud” ang taumbayan sa kalidad ng mga marinong katulad ni Jucal dahil hindi ito tumakbo sa responsibilidad at sinigurado niyang ligtas ang kaniyang mga kasamahan sa nasabing insidente. 

“And I wish we should be proud as Filipinos na ang kalidad po ng mga marino natin ay napakataas. Hindi po tayo tumatakbo sa mga responsibilidad. Sinisigurado po nating ligtas ang ating mga kasamahan bago natin iwanan ang ating barko,” ‘ika niya. 

“Saludo po kami sa kapitan ng barko,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, sa 21 na kabuuang bilang ng mga Pilipinong crew sa M/V Devon Bay, umabot na sa 15 ang iniligtas at nasaklolohan ng mga awtoridad habang dalawa (2) na ang nakumpirmang nasawi at apat (4), kasama si Jucal, ang kasalukuyan pang nawawala. 

MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero

MAKI-BALITA: Coast Guard, nag-abisong mag-ingat sa mga impormasyon tungkol sa MBCA Amejara

Mc Vincent Mirabuna/Balita