Sugatan ang isang 51 taong gulang na magsasaka matapos siyang pagsasaksakin ng pinagkakautangan niya ng ₱300 sa Valencia City, Bukidnon.
Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang krimen habang nakatigil ang biktima sa isang gasolinahan upang magpakarga ng gasolina sa kaniyang motorsiklo.
Bigla umanong lumapit sa kaniya ang suspek at saka naningil. Nang aminin daw ng biktima na hindi pa siya makakabayad hanggang sa susunod na linggo, doon na raw nagsimulang magalit ang suspek.
Bunsod nito, doon na raw inundayan ng suspek ng saksak ang biktima. Sinubukan pang manlaban ng biktima, ngunit nagtamo ito ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Samantala, nasa maayos na kondisyon na ang biktima matapos siyang agarang maisugod sa pinakamalapit na ospital.
Mabilis ding nadakip ng mga awtoridad ang suspek na kaagad umalis sa crime scene. Narekober mula sa suspek ang isang “Batangas knife” na pinaniniwalaang ginamit niya sa pananaksak.
Nasa kustodiya na siya ng Valencia City Police na nahaharap sa kaukulang kaso.