Inalmahan at kinondena ni Sen. Risa Hontiveros ang umano'y pananakot ng China sa mga Pilipino sa loob mismo ng Pilipinas, batay sa kaniyang privilege speech, sa muling pagbubukas ng sesyon ng Senado nitong Lunes, Enero 26.
Ayon sa senadora, batay raw sa pagkakaalam niya, nasa loob sila ng Pilipinas kaya kinokondena niya ang umano'y pangingialam at pag-atake ng China, lalo na sa mga Pilipinong mambabatas at lider, kagaya niya.
Kinondena rin ng senadora ang nabanggit ng Chinese Embassy na "pay the price" sa mga mambabatas na nagsalita patungkol sa isyu ng West Philippine Sea, kabilang na ang pangalan niya, pangalan ni Sen. Kiko Pangilinan, at Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Jay Tarriela.
Kaugnay na Balita: Chinese Embassy kay Sen. Risa: 'What you're doing isn't advocacy, it's political theater!'
Umapela rin ang senadora ng pananagot sa mga Pilipinong PR firm at content creators na umano'y nagpapadikta at nagpapagamit umano sa China upang magpakalat ng maling impormasyon.
"Chinese Embassy, kayo ang problema," ani Hontiveros.
"Ang tuloy-tuloy na pangha-harass at panggigipit ng mga Chinese vessels ninyo sa mga Pilipino, kaming mga nasa loob ng tahanan namin ang hindi makakilos nang malaya. Mga Pilipino ang dapat nangunguna sa pagsisiyasat at pagpapaunlad ng oil at gas reserves sa West Philippine Sea," giit pa ng senadora.
"Hindi natin tatantanan ang unti-unting panghihimasok ng Chinese government. Nasa Pilipinas tayo at dito, Pilipino ang nasusunod," giit ng mambabatas.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Chinese Embassy patungkol dito.