January 27, 2026

Home BALITA National

Ex-CHED chair, binatikos matapos maghayag ng pagkadismaya sa pagkakaltas ng GE subjects

Ex-CHED chair, binatikos matapos maghayag ng pagkadismaya sa pagkakaltas ng GE subjects
Photo Courtesy: Popoy De Vera (FB), Freepik

Tila hindi kumbinsido ang ilang guro at manunulat sa concern ni dating Commission on Higher Education (CHED) chairman Popoy De Vera sa tinatapyas na general education programs sa mga unibersidad.

Sa isang Facebook post kasi ni De Vera noong Linggo, Enero 25, naghayag siya ng pagkadismaya sa obsesyon ng ilang politiko na bawasan ang mga general education program sa kolehiyo habang sa mga karating bansa ng Pilipinas ay patuloy na nililinang ang mga ito.

Aniya, “While our more developed ASEAN neighbors will now require additional GE subjects, our politicians are obsessed with reducing the GE program.”

“Hay naku...We need better leaders,” dugtong pa ng dating CHED chairman

National

'Layas!' Sen. Erwin Tulfo, nanggigil sa mga opisyal ng Chinese Embassy

Kalakip ng caption na ito ni De Vera ang title pubmat mula sa ulat ng Sinar Daily tungkol sa atas ni Malaysia Prime Minister Datuk Seri Anwar Ibrahim na gawing compulsory subjects ang Federal Constitution at kasaysayan ng kanilang bansa.

Ngunit ayon kay University of the Philippines (UP) Prof. Ramon Guillermo, “Nung nasa pwesto naman siya naganap ang todo bawas sa GE sa mga unibersidad dito sa atin. BTW sa Bahasa Malaysia pa itinuturo ang mga sabjek na yan sa kanila samantalang walang saysay na pag-iinglesan nagaganap dito.”

“Walang bisyon at walang mga prinsipyo ang mga namamahala sa edukasyon sa Pilipinas,” dugtong pa niya.

Halos ganito rin ang himutok ni Southeast Asia (SEAWrite) Awardee Jerry Gracio hinggil sa sentimyento ni De Vera sa kalagayan ng general education program sa iba’t ibang pamantasan sa Pilipinas.

“Si Popoy naman,” aniya, “nung siya ang chair ng CHED, nabawasan ang GE subjects sa kolehiyo kasama ang Filipino at panitikan, Philippine government & constitution, etc. Tapos ngayon, kukuda siya nang ganito. Hay naku, we need better leaders.”

Samantala, nanawagan naman si De La Salle University (DLSU) Professor at Tanggol Wika lead convener David Michael San Juan na maging transparent si De Vera.

“Be more transparent sir, kasama po kayo sa dahilan kung bakit ganyan mag-isip ang mga politician,” saad ni San Juan.

Matatandaang maigting na ipinanawagan ng mga guro noong panahon ng panunungkulan ni De Vera sa CHED na ibalik sa kolehiyo ang Filipino, Panitikan, at Philippine Government and Constitution. 

Ito ay matapos ibaba ang CHED Memorandum No. 20 Series of 2013 na naglalayong alisin ang mga minor subject sa tertiary level upang matutukan ang mga major o teknikal na kurso.

Sumbat tuloy ni San Juan, “Concerned pala kayo sa pagbabawas ng GE pero hindi nakinig noong nasa pwesto kayo. Bakit di ninyo ibinalik yung mga inalis na GE sa panahon ng nauna sa inyo, tapos ngayon ay makikidikdik kayo sa mga pulpolitiko?” 

Gayunman, bukas naman daw siya sa pagbabago ng puso ni De Vera sakali mang totoo ito. 

“After you admit that you failed to listen, then we can all work together towards ensuring na hindi na babawasan ang GE at kung pwede nga, mas dagdagan pa,” pahabol ng propesor.