Nananawagan ngayon sa mga awtoridad at publiko ang kapatid ng on-duty cadet na kasama sa lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 nitong Lunes, Enero 26, matapos nitong makapagpadala pa ng mensahe sa kaniyang pamilya nang maganap ang insidente.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
Ayon sa naging Facebook post ni JP Punsalang, kapatid ng cadet na si Kyle Punsalang, nito ring Lunes, Enero 26, makikita ang screenshot ng mga huling mensahe ni Kyle sa kaniyang pamilya.
“[M]e tagilid among barko,” “tabangggg,” mababasa sa pinadalang mensahe ng cadet.
Screenshot mula sa FB post ni JP.
Ayon sa uploader na si JP, nanawagan siya sa Local Government Unit (LGUs) ng Zamboanga at Isabela de Basilan patungkol sa maaaring kinaroroonan ng kaniyang kapatid.
“To all people who might see this post,” pagsisimula niya, “I am humbly asking for your help if either you have contacts from LGUs of Zamboanga and Isabela de Basilan with regards the whereabouts of my brother CADET Kyle Punsalang.”
Ani JP, sakay din daw ang kaniyang kapatid na cadet na si Kyle sa M/V Trisha Kerstin 3 na lulan ang 332 pasahero at 27 crew members na umalis mula Zamboanga City nang 9:20 ng gabi, noong Linggo, Enero 25, patungong Jolo, Sulu.
“Sakay niya po is the M/V Trisha Kerstin na lumubog sa may Baluk-baluk islands. En route po from Zamboanga to Jolo, Sulu,” aniya.
Dagdag pa niya, “Part po siya as one of the on-duty cadets at the time of incident. He contacted us kasi regularly.”
Pagpapatuloy ni JP, maaari raw silang padalhan ng mensahe sa kanilang mobile number ng mga awtoridad at residenteng malapit sa pinangyarihan ng insidente.
“If hindi po LGU, baka ang from the coast guards or taga doon malapit sa port to help us locate him. Thank you so much, and may Father Yahweh bless us al! CONTACT #: 09109299950,” pagtatapos niya.
Samantala, kasalukuyan nang inaalam ng Balita ang huling update mula kay JP sa kaniyang kapatid na si Kyle.
Matatandaang isinasagawa ang isang malawakang search and rescue operations sa lumubog na Roll-on/Roll-off (RORO) na may lulang 332 pasahero, sa Basilan, nitong madaling-araw ng Lunes, Enero 26.
MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
Ayon sa ulat ng Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM), narespondehan nila ang distress call mula sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 nang 1:50 ng umaga.
Ang insidente ng paglubog ay naitala sa 2.75 nautical miles, northeast ng Baluk-Baluk Island, Basilan.
Sa kaugnay na ulat, base sa social media post ni Basilan mayor Arsina Kahing-Nanoh nito ring Enero 26, tinatayang 8 na ang kumpirmadong nasawi mula sa insidente.
Isa rin sa mga nasawi ang isang sanggol na babae, ayon naman sa social media ni Kagawad Gamar “Gams” Alih.
Nilinaw naman ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang panayam sa media na hindi overloaded ang RORO dahil may maximum capacity ito na 350.
Mc Vincent Mirabuna/Balita