January 26, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga hindi pangkaraniwang kaalaman tungkol sa Bibliya

ALAMIN: Mga hindi pangkaraniwang kaalaman tungkol sa Bibliya
Photo courtesy: Unsplash

“Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.” - Mga Awit 119:105

Sa Pilipinas, kapag sinabing “Bibliya,” kaya ng maraming sambitin ang ilan nilang kabisadong berso mula rito–ang ilan pa nga’y nakalagay ito sa kanilang social media bio bilang paalala. 

Gayunpaman, hindi lahat ay lubusang alam ang kabuoang konteksto nito, maging ang mga kaalaman na mas nagpapayaman sa katotohanan sa likod ng bawat berso. 

Kaya bilang komemorasyon sa National Bible Day,  narito ang ilang hindi pangkaraniwang kaalaman tungkol sa Bibliya: 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Nakikilala ba ang personality ng isang tao base sa sulat-kamay?

1. Ang Biblya ang tinaguriang “most stolen book in the world” 

Base sa iba’t ibang pag-aaral at ulat, bagama’t isa sa mga ipinagbabawal na gawain sa Bibliya ang pagnanakaw, ito ay ang naitalang “most stolen book in the world” dahil sa mga posibleng kadahilanan: 

Paniniwala ng ilan na ang Bibliya ay dapat “accessible” at libre para sa lahat. 

Dahil sa magandang kalidad nito mula sa pabalat hanggang sa mga pahina, madali itong maging target ng mga magnanakaw. 

Ayon naman sa ilang Kristiyano, dahil nilalaman ng Bibliya ang salita ng Diyos, kinukuha ito ng ilan dahil sila ay desperado sa pagbabago at pagkalas mula sa sakit at pag-iisa, kaya imbis na “pagnanakaw,” pinaniniwalaan na “natagpuan” nila ito. 

2. Ang Bibliya ay isinulat ng higit 40 manunulat sa loob ng 1,500 taon

Ayon ilang Bible scholars, ang 66 na libro sa Bibliya ay isinulat ng higit 40 awtor sa loob ng tinatayang 1,500 taon para maihayag ang plano ng Panginoon na iligtas ang mundo mula sa kamatayan dulot ng kasalanan. 

Base sa pag-aaral ng Christianity.org, natagalan ang paglilipon ng mga aklat sa Old Testament dahil binubuo ito ng mga pangyayaring naidokumento ilang siglo na ang nakararaan. 

Binubuo ito ng historical accounts, mga tula, kasabihan, at mga kasulatan ng mga propeta. 

Pinaniniwalaan din na ang mga awtor ng mga aklat na ito ay sumulat sa mga espesyal na kalidad ng pergamino gamit ang balat ng hayop, kaya ang mga eskriba ay gumawa ng replika bago sirain ang orihinal na akda. 

Kumpara sa Old Testament, ang New Testament ay mas madaling naisulat ng iba’t ibang awtor, dahil mas kakaunti ito. 

Ayon sa mga pag-aaral, ito ay dahil sa pag-usad ng panahon, ang mga pergamino ay napalitan na ng mga aklat. 

Kaya sa pagdadagdag ng 27 na aklat ng New Testament sa Old Testament ay nagsilbing opisyal na kumpirmasyon sa mga pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. 

3. Ang Bibliya ay isinulat gamit ang tatlong wika

Ayon sa Bible scholars, Hebreo, Aramaic, at Griyego ang mga ginamit na lengguahe sa pagsulat ng Bibliya. 

Ang kauna-unahang manunulat sa Old Testament ay si Moses, inatasan ng Panginoon sa Exodo 34:27, “Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo itong sinasabi ko, dahil ito ang tuntunin ng kasunduan ko sa iyo at sa Israel.”

Ayon pa sa mga iskolar, ang buong Old Testament ay naisulat sa Hebreo, maliban na lamang sa mga propesiya nina Ezra at Daniel na naisulat sa Aramaic, na lengguaheng ginamit rin noong kapanahunan ni Hesus. 

Sa New Testament, ang lenggwaheng Griyego ang ginamit dahil ito ang wika na ginagamit ng mga iskolar noong mga kapanuhanang ito.

Bukod pa rito, nailathala rin sa mga pag-aaral na karamihan ng Hudyo noong mga panahong ito ay hindi na nakakabasa ng Hebreo.

4. Genesis at Job ang mga pinaniniwalaang “oldest books” sa Bibliya

Dahil hindi isinulat sa chronological order ang mga aklat sa Bibliya, pinaniniwalaan ng maraming Bible scholars na ang mga aklat ng Genesis at Job ang pinakalumang mga libro sa Bibliya. 

Ayon sa ibang iskolar, maituturing ang Genesis na pinakalumang aklat sa Bibliya dahil ito ay naglalaman ng mga pangyayari sa pagbuo ng mundo, kalangitan, at mga nilalang.

Habang para sa ilan, ang pinakalumang aklat ay Job dahil pinaniniwalaan na ito’y isinulat 400 taon bago ang Genesis at ang ilang pangyayari na ipinakita rito na posibleng naganap bago pa mabuhay si Moses, na pinaniniwalaang kauna-unahang awtor sa Bibliya. 

5. Pinakamaikling berso sa Bibliya

Ang pinakamaikling berso sa Bibliya ay matatagpuan sa Juan 11:35, “Tumangis si Hesus” o “Jesus wept”  sa Ingles. 

Ang konteksto ng Juan 11 ay ang pagkamatay ng kaibigan ni Hesus na si Lazarus, kapatid nina Martha at Maria.

Sean Antonio/BALITA