Kinumpirma ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakatanggap sila ng 40 mga impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Atong Ang na siyang idinidiin sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang press briefing, iginiit ni CIDG-NCR Chief Police Colonel John Guiagui na mayroon silang hotline na inilabas kung saan maaaring makipag-ugnayan ang publiko para sa posibilidad na tip sa pinagtataguan ni Ang.
“Naglabas tayo ng mga hotline numbers wherein pwedeng makipag-interact at magbigay ng mga information yung ating mga citizenry para tulungan tayo sa manhunt natin kay Charlie ‘Atong’ Ang and we have registered as of to date 40 na information doon sa dalawang number na ibinigay natin,” saad ni Guiagui.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 14 na lokasyon na sa iba’t ibang panig ng bansa, ang nagalugad ng mga awtoridad sa patuloy na pagtugis kay Ang.
Matatandaang inihayag na rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na pinag-aaralan na rin nila ang posibilidad ng mas mataas pang pabuya na maaari nilang ibigay sa mga makakapagsuplong sa kanila kay Ang.
KAUGNAY NA BALITA: May ₱10M patong sa ulo: Atong Ang, isa na sa mga 'most wanted' sa Pilipinas!
“Malapit na. Kung ako mapikon talagang dadagdaga ko na ‘yan,” ani Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pag napikon!' SILG Remulla, tataasan ang ₱10M pabuya sa pagtugis kay Atong Ang
Paglilinaw pa niya, wala na raw maraming tanong pa ang pagdadaanan ng makakapagturo sa kanila kay Ang at agad-agad daw itong mabibigyan ng ₱10 milyon.
“No questions asked, Basta ikaw yung nagbigay ng impormasyon leading directly to arrest ay ₱10 million na reward na para sa kaniya,” saad niya.