Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang truck driver na nasangkot sa isang viral video, kung saan muntik na nalagay sa peligro ang buhay ng isang motorista.
Ang kautusan ay inilabas sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief at Assistant Secretary Markus Lacanilao bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng ahensiya.
Sa viral video, makikita ang isang lalaking nakatayo sa harap ng isang FAW truck habang patuloy itong umaandar. Ayon sa video, maririnig ang malakas na pagsigaw ng misis ng lalaki na itinutulak na umano ng truck ang kaniyang asawa habang gumagalaw ito.
Sa kabila ng malinaw na sitwasyon at paulit-ulit na sigaw ng babae, hindi umano tumigil ang truck at tila hindi ito pinansin ng driver.
Dahil dito, mababasa sa post na nasa opisyal na Facebook page ng tanggapan na inatasan ng LTO ang driver at may-ari ng truck na magsumite ng kanilang verified comment o paliwanag sa Intelligence and Investigation Division ng ahensiya sa Enero 28, 2026, ganap na 2:00 ng hapon.
Kinakailangang ipaliwanag ng driver kung bakit hindi siya dapat managot sa mga kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle. Samantala, inaatasan din ang may-ari ng sasakyan na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat panagutin sa pag-empleyo ng isang driver na nagpapakita ng kawalan ng disiplina sa pagmamaneho.
Ayon pa sa SCO, ilalagay sa alarm status ang naturang truck, habang ang lisensya ng driver ay pansamantalang sususpendihin sa loob ng siyamnapung (90) araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Mariing paalala ni Asec. Lacanilao, ang insidente ay nagsisilbing babala sa lahat ng motorista at operator ng sasakyan. Aniya, may pananagutan ang bawat driver—pribado man o pampubliko—na sumunod sa batas trapiko at unahin ang kaligtasan ng kapwa gumagamit ng kalsada.
Hinikayat din niya ang publiko na pairalin ang disiplina at respeto upang mapanatiling ligtas at maayos ang mga lansangan.
"Ang insidenteng ito ay isang paalala na ang lahat ng mga driver at operator ng sasakyan, pribado man or pampubliko, ay may pananagutan na tiyakin na ang kanilang mga aksyon ay sumusunod sa mga batas trapiko at nagpapahalaga sa kaligtasan ng lahat," aniya.
"Hinihikayat ko ang lahat ng mga driver na maging disiplinado at may respeto sa mga gumagamit ng kalsada upang maging ligtas at payapa ang ating mga lansangan," dagdag pa.