January 26, 2026

Home BALITA National

Tañada, palalakasin muna LP; wala pang alyansa sa Duterte, Marcos camp

Tañada, palalakasin muna LP; wala pang alyansa sa Duterte, Marcos camp
Photo courtesy: PCO/FB, Liberal Party of the Philippines/FB, OVP/FB


Tahasang inihayag ni Liberal Party (LP) President Erin Tañada na ang pokus nila ngayon ay palakasin muna ang kanilang hanay.

Sa kaniyang panayam sa media noong Sabado, Enero 24, sinabi ni Tañada na wala pa umano sa “equation” ang pakikipag-alyansa nila sa kampo ng mga Duterte.

“Well, I think, this point in time, clear naman na alliance with the Duterte camp is not in the equation,” ani Tañada.

Dagdag pa niya, “Now, other talks with other groups, of course that will be discussed, and we will see how things develop once we move towards [the] middle of the year and third-quarter.”

Natanong din ang pangulo ng LP kaugnay sa pagbuo naman nila ng alyansa sa kampo ng administrasyong Marcos.

“Well, again, ang kailangang tingnan ng Liberal Party ay palakasin ang hanay. And I think, ‘yon ‘yong kailangang gawin ng iba’t ibang mga allies natin—magpalakas,” saad niya.

Giit pa niya, “Ngayon, kung makita ng mga tao [na] malakas ‘yong hanay namin, ‘di natin alam, baka sila ‘yong lalapit, makikipag-usap.”

“Pero at this point in time, I think it’s too early na i-float ‘yong mga ganiyan dahil ang objective e palakasin muna ang Liberal Party to get to be able to leverage kung ano man ang magiging negosasyon later on,” pagtatapos niya.

Kaugnay dito, matatandaang itinutulak naman kamakailan ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang pagsasanib-puwersa ng mga Kakampink, middle forces, at administration side upang labanan ang puwersa ng mga Duterte sa darating na Halalan 2028.

“Ako po, personally, ang tinutulak ko ay magsanib-puwersa ito. ‘Yong mga Kakampink, ‘yong mga middle forces, at ‘yong admin para mas malakas ang pwersa para matalo ‘yong mga Duterte sa 2028 [election],” ani Trillanes.

MAKI-BALITA: Trillanes, tinutulak sanib-pwersa ng Kakampink, middle force, admin vs Duterte-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA