Nauwi sa karahasan ang umaga ng Linggo, Enero 25, 2026, matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki ang convoy ni Shariff Aguak Mayor Akmad Mitra Ampatuan, sa Maguindanao Del Sur.
Batay sa mga ulat, tinukoy ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na humantong sa isang engkuwentro sa bayan ng Datu Unsay.
Sa nasabing operasyon, tatlong pinaghihinalaang suspek sa pananambang ang napatay, ayon kay P/Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng PRO-BAR.
Ligtas naman si Mayor Ampatuan at ang kaniyang mga kasamahan, bagama’t nagtamo sila ng mga sugat sa kaliwang bahagi ng tiyan.
Sa salaysay naman ng executive assistant ni Ampatuan na si Anwar Kuit Emblawa, sakay umano ang boss aa kaniyang itim at bulletproof na sports utility vehicle (SUV) nang sila’y atakihin ng ambush bandang alas-6:30 ng umaga sa Barangay Poblacion.
Tinamaan din ng mga bala ang back-up na sasakyan ng alkalde na isang pickup truck.
Dagdag pa niya, nagtamo ng mga sugat na hindi naman ikinapanganib ng buhay ang dalawang security escort at kasalukuyang ginagamot sa Bangsamoro Regional and Medical Center sa Datu Hoffer.
Sinabi rin ni Emblawa na sakay ng isang puting mini-van ang mga suspek nang isagawa nila ang pananambang.
Nakarekober ang pulisya ng mga high-powered firearm sa loob ng nasabing sasakyan.
Ayon sa pulisya, agad na nabigyan ng medical attention ang mga biktima at kasalukuyang nasa maayos na kondisyon.
Sa ngayon, patuloy pa ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawing suspek at ang motibo sa likod ng pag-atake.
Sinabi ng mga awtoridad na paiigtingin pa ang mga hakbang sa seguridad sa lugar upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Samantala, ibinahagi naman ni Vice Mayor Hadji Oping Ampatuan ang CCTV footage sa naganap na pananambang.
"Ito ang Kuha ng cctv pag ambush kay Mayor akmad Mitra Ampatuan." mababasa sa caption ng Facebook post.