Nagbigay ng reaksiyon si Sen. Imee Marcos hinggil sa pagkakasakit ng utol niyang si Pangulong Ferdiand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa latest Facebook post ni Sen. Imee noong Sabado, Enero 24, sinabi niyang wala umanong nag-aalala sa Pangulo kaya humantong sa gayong kalagayan.
"Ayan na nga ang sinasabi ko, nagkasakit na si Bongbong. Pambihira talaga. Wala kasing nag-aalaga sa kaniya,” saad ni Sen. Imee.
Dagdag pa niya, “Sino ba diyan sa nakapaligid sa Palasyo, sa dinami-dami ninyo ang talagang nagmamahal sa kapatid ko? [...] Ang health niya ang bibigay. Talaga naman, kaniya-kaniyang agenda kayo diyan.”
Kaya naman pinayuhan ng senadora ang Pangulo na unahin muna nito ang sarili at patuloy na magpalakas.
“Talikuran na niya lahat ng nakapaligid diya sa Palasyo. Panggulo lang 'yan. Wala sa kanila ang talagang nagmamahal sa kaniya,” dugtong pa ni Sen. Imee.
Matatandaang inanunsiyo kamakailan ng Malacañang na sumailalim ang Pangulo sa medical observation sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos umano nitong makaranas ng discomfort"dulot ng Diverticulitis.
Maki-Balita: ‘Wag muna kayo masyadong excited!’ PBBM binunyag ang sakit, hindi raw life threatening
Ayon sa HealthLink BC, ang Diverticulitis ay isang kondisyon kung saan ang pouches o diverticula ay nabubuo at nagdudulot ng pamamaga o impeksyon sa colon o malaking bituka.
Ang pamamaga o impeksyon na ito ay nagdudulot ng pananakit ng tiyan.
Basahin: ALAMIN: Sakit na ‘Diverticulitis’ ni PBBM, life-threatening nga ba?