Naghayag ng tiwala si Navotas City lone district Rep. Toby Tiangco kay Ombudsman Jesus “Boying” Remulla na gagawin nito nang tama ang trabaho.
Sa latest episode kasi ng “KC After Hours” noong Sabado, Enero 24, nausisa si Tiangco kung may paparating bang pagbabago sa gobyerno ngayong 2026.
Ito ay matapos sumabog ang talamak na korupsiyon sa gobyerno noong nakaraang taon dahil sa flood control projects.
Ani Tiangco, “There’s two things, ‘no. Isa ‘yong expectation ng tao, isa ‘yong usad ng imbestigasyon. Alam ko, sa mata ng tao, medyo nababagalan sila lalong-lalo na kasi walang big fish do’n sa first batch.”
“But that being said, ako naman, matagal ko nang kilala si Ombudsman Boying, I think he will really do his job at gagawin niya kung ano talaga ‘yong tama,” dugtong pa niya.
Matatandaang kamakailan lang ay sumuko na si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. matapos sampahan ng kasong graft at malversation ng Office of the Ombudsman.
Bukod kay Revilla, kasama rin sa mga kinasuhan ang anim (6) na iba pang executives mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan 1st District Engineering Office dahil sa umano’y ₱92.8 million ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Maki-Balita: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'