Walang naitalang Pilipino na kabilang sa mga biktima ng landslide na tumama sa West Java, Indonesia, ayon sa Philippine Embassy sa Indonesia.
“As of this time, no Filipino has been reported to be affected by the incident,” ayon sa pahayag ng embahada na ibinahagi sa Facebook.
Sinabi ng embahada na mahigpit itong nakikipag-ugnayan sa Indonesian National Search and Rescue Agency gayundin sa Filipino community sa Bandung, West Java, upang matiyak ang kalagayan ng mga Pilipino sa lugar.
Ayon sa embahada, walong katao ang nasawi sa landslide na nakaapekto sa kabuuang 113 pamilya. Mayroon namang 82 katao na nananatiling nawawala, habang 23 ang iniulat na ligtas.
Malalakas na ulan ang tinukoy na sanhi ng pagguho ng lupa sa isang nayon sa West Bandung region.
Nabatid na nagsimula ang malakas na pag-ulan bandang alas-3:30 ng madaling araw, oras sa Maynila, sa Cisarua district, isang bulubunduking lugar na malayo sa sentro ng lungsod.
“The area has been placed in emergency alert status, with the local government advising residents to be vigilant and evacuate immediately if conditions are deemed unsafe,” ayon pa sa embahada.
Dagdag nito, patuloy nitong binabantayan ang sitwasyon ng mga Pilipino sa apektadong lugar at umaasang mas marami pang survivor ang marekober ng search and rescue operations ng mga awtoridad ng Indonesia.
“The Embassy continues to monitor the situation of Filipinos in the area and hopes that the search and rescue operations of Indonesian authorities will recover more survivors,” saad ng embahada.
Hinimok din ang mga Pilipino sa lugar na makipag-ugnayan sa embahada sa pamamagitan ng Whatsapp hotline na +62 811 887 344 para sa anumang impormasyon o tulong na kinakailangan.