Apat na bata ang nasawi matapos magbanggaan ang isang trailer truck at isang motorized tricycle sa Barangay Ambalatungan, Santiago City, Isabela.
Ayon sa pulisya, minamaneho ng isang 17-anyos na menor de edad ang tricycle na may sakay na anim na bata nang umano’y bigla itong kumabig pakaliwa at aksidenteng mabangga ng trailer truck na minamaneho ng isang 39-anyos na lalaki mula sa Norzagaray, Bulacan.
Agad na isinugod sa isang ospital sa Santiago City ang mga biktima, subalit apat sa kanila ang idineklarang dead on arrival, habang ang tatlo ay patuloy na ginagamot.
Batay sa mga ulat, ang mga biktima na binubuo ng apat na magkakapatid at tatlong magpipinsan ay pauwi na mula sa paaralan nang mangyari ang insidente.
Nagtamo ng hindi pa matukoy na pinsala ang parehong sasakyan. Nasa kustodiya na ng Santiago City Police Station ang driver ng trailer truck.
Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy ang pananagutan at makaiwas sa mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.