January 26, 2026

Home BALITA

Medical quarantine ni Bong Revilla at iba pa, patapos na sa Jan. 27-28

Medical quarantine ni Bong Revilla at iba pa, patapos na sa Jan. 27-28
Photo courtesy: MB File photo

Inaasahang magtatapos sa Martes, Enero 27, o posibleng sa Miyerkules, Enero 28, ang medical quarantine ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at ng kaniyang mga kasamang akusado sa kasong may kaugnayan sa anomalous flood control projects sa Bulacan, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Linggo, Enero 25, 2026.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera na ang pitong araw na quarantine period ay hindi lamang para sa medikal na obserbasyon kundi kabilang din ang mga pagsusuri sa seguridad at panganib.

“Sa ngayon wala pang nakikita [na sakit]. Kasama sa 7 araw yung security assessment, risk assessment, interviews sa mga PDLs, at ibang PDL na posibleng makasama nila,” pahayag ni Bustinera.

Dagdag pa niya, mahalaga ring matiyak ang kaligtasan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) habang sila ay nasa kustodiya ng ahensya.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

“Kasi tinitingnan din natin kung una, tanggap ba nila. Pangalawa, nag che-check tayo ng possible na mga threat sa security nila. Ayaw naman natin may mangyari sa kanila habang nasa poder namin sila,” ani Bustinera.

Ayon pa sa opisyal, bukod sa karagdagang seguridad, nananatiling normal ang operasyon sa Quezon City Jail Male Dormitory kung saan pansamantalang nakadetine si Revilla at ang kaniyang mga co-accused.

Nauna nang inutos ng Sandiganbayan Third Division ang pansamantalang pagkakakulong ni Revilla sa nasabing pasilidad matapos magsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong malversation laban sa kaniya at sa iba pa kaugnay ng umano’y ₱92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Kabilang sa mga akusado ang mga dating inhinyero ng Department of Public Works and Highways Bulacan na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at Arjay Domasig, gayundin ang finance section chief na si Juanito Mendoza.