Malamang na manatiling boluntaryo ang beripikasyon ng mga social media account sa kabila ng planong ilabas ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang isang bagong polisiya sa susunod na linggo upang labanan ang pagkalat ng fake news.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, Enero 25, 2026, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na kasalukuyang binubuo ng ahensya ang isang polisiya na isasaalang-alang ang kalayaan sa pagpapahayag at pananalita ng publiko.
“Parang mahirap na sabihin na lahat ng gagamit ng social media ay magbayad for verification service or kaya ba namin ipuwersa ang mga social media platform na ilibre ang paid service na 'yan. Tinanong namin sila pareho,” ayon kay Aguda.
Dagdag pa niya, mahalagang mapanatili ang kalayaan sa paggamit ng internet para sa pagpapahayag ng saloobin at talakayang pampulitika.
“Ang internet ay ginagamit din sa expression, freedom of speech, political talk. Ayaw din naman nating matanggal 'yun. It's a balancing act,” ani Aguda.
Ayon sa DICT secretary, sa halip na obligahin ang mga gumagamit ng social media na ipa-verify ang kanilang mga account, mas pagtutuunan ng ahensya ang pagpapalawak ng kaalaman ng publiko upang kontrahin ang fake news.
“Malamang ang direksyon ng mga discussion, hindi namin i-o-obligate o ifo-force ang mga tao na mag-social media verification. Ang patungo niyan, parang public awareness,” sinabi ni Aguda.
“Ang isa sa suggestion ng Policy and Standards (Bureau), baka pwedeng information campaign,” dagdag pa niya.
Nauna nang inihayag ng DICT nitong buwan na gumagawa ito ng isang panukalang polisiya na mag-aatas sa lahat ng social media platform sa bansa na tiyaking beripikado ang kanilang mga user upang mapalakas ang regulasyon at pananagutan sa cyberspace.
Inilabas ang pahayag ng ahensya sa gitna ng mga isyung kinasasangkutan ng pagkalat ng sexually explicit at non-consensual images na nalikha ng Grok, isang AI chatbot na binuo ng xAI ni Elon Musk.