Binanatan ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica ang showbiz insider at talent manager na si Ogie Diaz, matapos mag-react sa naging pahayag niya laban kay dating senador Sonny Trillanes at ipagtanggol ito.
Ibinahagi ni Diaz kamakailan ang isang pubmat patungkol sa naging umano'y banat ni Belgica laban kay Trillanes.
"Sa totoo lang, naniniwala pa ba ang tao kay Trillanes?” ani Belgica.
Ipinost naman ito ni Belgica sa kaniyang social media account noon pang Oktubre 2025 kung kailan nagsampa si Trillanes ng kasong plunder kina Sen. Bong Go, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at dalawang iba pa.
Kaugnay na Balita: Sonny Trillanes kinasuhan ng plunder si FPRRD, Bong Go, 2 iba pa
Muling pinalutang ng isang Facebook page ang pahayag na ito ni Belgica nito ring Biyernes, ilang araw matapos kasuhan ni Trillanes ng graft at plunder si Vice President Sara Duterte.
Nag-react naman dito si Ogie na isang certified "Kakampink" at sinuportahan ang kandidatura ng Leni-Kiko tandem noong 2022.
Si Belgica naman ay masugid na tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan, nagsilbi siya bilang PACC chairman sa administrasyon nito.
“Oo naman. Mas credible kesa kay Belgica," anang Ogie.
“Walang posisyon si Antonio 'Sonny' Trillanes IV, pero ang powerful. Ang dami pang nagagawa. #Partida,” dugtong pa niya.
Kaugnay na Balita: Ogie Diaz, naniniwala kay Sonny Trillanes
Nitong Linggo, Enero 25, sumagot si Belgica laban sa patutsada ni "Ogie," na bagama't walang direktang tinukoy kung si Ogie Diaz ba, ay naniniwala naman ang mga netizen na para ito sa showbiz insider.
Aniya, "My comment about Trillanes credibility was made Oct. 2025. Ni rehash ni Ogie ngayon para mapag usapan ang bata nya. Ako ang ginamit. Dahil nagsampa sila Trillianes ng kaso kay Sara sa Omb -Walang pumansin. Huli ka boy, pero hindi kulong."
May payo naman siya kay Ogie.
"Ogie stay in showbiz. Gawin mo nalang artista si Trillianes gawa kayo ng pelikula baka kumita kayo. Yaan mo na kaming mga lalaki dito sa gubyerno. Gawain ng tunay na lalaki ito," aniya.
Photo courtesy: Greco Belgica/FB
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Diaz tungkol sa banat ni Belgica.