Ibinahagi ng aktor na si Elijah Canlas ang naging journey niya bilang nagsisimulang artista noon sa industriya.
Sa latest episode ng “KANTO: Young Actor's Roundtable” kamakailan, kasamang sumalang ni Elijah ang mga kapuwa artistang sina Maris Racal at Kaila Estrada.
Ayon kay Elijah, nagsimula umanong umigting ang pagnanais niyang umarte nang dalhin siya sa premiere ng pelikula ni Dwein Baltazar na “Gusto Kita With All My Hypothalamus.”
“I saw it,” sabi ni Elijah. “So, I was like, ‘Damn ang sarap umarte!’”
Kaya kinapalan daw ni Elijah ang mukha niya. Pinadalhan niya ng mensahe ang producer na si Ferdinand Lapuz sa pagbabaka-sakaling naghahanap ito noon ng artistang ma-manage.
“Sabi niya, ‘No.’ Pero baka sina Direk Jun Lana baka gusto. So finorward nila ‘yong number ko kina Direk Jun. Direk Jun made me go dito sa lumang office nila,” lahad ni Elijah.
Pero nakipagkita pa rin umano si Elijah sa ibang management. Ito ay kahit may role na umanong nakalaan para sa kaniya sa binabalak na pelikula ni Direk Jun.
Katwiran ng aktor, “Alam mo naman, echos lang ‘yong mga filmmakers, e. When I was younger, I’ve been promised so many films. O kaya, mag-o-audition ako. Sasabihin sa ‘yo na tapos biglang hindi pala.”
Sa huli, nakuha pa rin naman ni Elijah ang role sa pelikulang ito ni Direk Jun na pinamagatang “Kalel, 15.”
Nasungkit niya rito ang parangal na Best Actor mula sa Gawad Urian Awards noong 2020.