Nito lamang Linggo, Enero 25, 2026, mababasa sa ibinahaging Facebook post ni Sen. Bam Aquino ang kaniyang pagbati sa ika-93 kaarawan ng unang babaeng Pangulo ng Pilipinas na si Corazon “Cory” Aquino, na kaniya ring tiyahin.
“Sa paggunita natin ng ika-93 kaarawan ni Tita Cory, isa ito sa mga aral na patuloy na gumagabay sa atin hanggang ngayon. Madalas siyang tawaging ‘ina ng ating demokrasya’, pero para sa akin, higit sa lahat, siya ay isang mapagmahal, mapagkumbaba, at mapagbigay na tiyahin—simple, pero matatag ang paninindigan,” saad ni Sen. Bam sa kaniyang post.
MAKI-BALITA: 'Mapagmahal, mapagkumbaba, at mapagbigay na tiyahin!' Sen. Bam, may b-day greeting sa kaniyang Tita Cory-Balita
Bilang pagkilala, tanyag si dating Pangulong Cory Aquino pagdating sa usapin ng demokrasya, dahil siya ang tinaguriang “Ina ng Demokrasya.”
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na pinangunahan ni Cory ang mapayapang EDSA People Power Revolution I—na siyang nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. noong Pebrero 25, 1986, na nangungkulan bilang presidente ng bansa sa loob ng higit dalawang dekada.
Pangunahing impormasyon tungkol kay ex-Pres. Cory Aquino
Si Cory ay isinilang sa Paniqui, Tarlac noong Enero 25, 1933, pang-anim sa walong magkakapatid.
Kilala ang kanilang pamilya sa lugar sapagkat nagmamay-ari ng isang “sugar plantation” ang kaniyang mga magulang.
Silang dalawa ni Ninoy Aquino ay mayroong limang anak: Maria Elena (Ballsy), Aurora Corazon (Pinky), Benigno III (Ninoy), Victoria Elise (Viel), at Kristina Bernadette (Kris).
Edukasyong tinahak ni Cory Aquino
Si Cory ay nag-aral ng elementarya sa Pilipinas, bago lumipad pa-Amerika upang tapusin ang kaniyang sekondarya.
Nag-aral ang dating Pangulo sa Ravenhill Academy sa Philadelphia, pati na rin sa Notre Dame Convent School sa New York.
Nang makapagtapos noong taong 1949, pumasok siya bilang isang kolehiyala sa College of Mount St. Vincent sa New York City.
Bumalik si Cory sa bansa upang mag-aral ng abogasiya sa Far Eastern University (FEU), kung saan niya nakadaupang-palad ang asawa at dating senador na si Ninoy Aquino, Jr.
Pampolitikang karanasan ni Corazon Aquino
Hindi direktang pumasok si Cory Aquino sa politika, dahil kailangan niyang tutukan ang kaniyang pamilya. Bunsod nito, si Ninoy Aquino ang nakilala sa larangang ito.
Nakilala si Ninoy bilang pinakabatang nahalal na gobernador sa bansa, at kinalauna’y ng Senado.
Tanyag si Ninoy sapagkat hindi pareho ang pampolitikal na paniniwala niya sa kasalukuyang pangulo noong mga panahong iyon.
Inaresto ang dating senador at pinatawan ng kamatayan ni ex. Pres Marcos Sr.—ngunit pinagbigyang makalipad patungong Estados Unidos kasama ang buong pamilya, sa tulong ni ex-US President Jimmy Carter.
Noong mga panahong iyon ay kinakailangan ng medikal na atensyon ni Ninoy, kung kaya’t “medical exile” ang naging pabor ni Carter kay Marcos.
Noong Agosto 21, 1983, nakatakdang umuwi si Ninoy Aquino sa bansa, ngunit bago pa naman ito makababa ng eroplano, siya ay binaril na nagdulot ng kaniyang kamatayan.
Dahil dito, nanguna si Cory Aquino upang ipaglaban ang namayapang asawa, at maibalik ang demokrasyang nawala bunsod ng Batas Militar ni Marcos Sr.
Kaya noong Pebrero 1986, kinalaban ni Cory si Marcos Sr. sa isang eleksyon, kung saan pinaniniwalaang siya ang nagwagi. Dulot ng impluwensya ng kasalukuyang administrasyon, nabaliktad umano ang desisyon at kinilala pa rin bilang nagwagi si Marcos Sr.
Noon ngang Pebrero 25, 1986, nahikayat ni Cory ang taumbayan na magkasa ng isang malawakang protesta at mapayapang rebolusyon kontra sa mapang-abusong rehimen ng diktaturya.
Dahil dito, tuluyan na ngang napatalsik sa puwesto si Marcos Sr., tanda ng bagong administrasyong pinangunahan ni Cory Aquino mula 1986 hanggang 1992.
Pagpanaw ni Cory Aquino
Ang dating Pangulo ay pumanaw noong Agosto 1, 2009, sa edad na 76, matapos itong makipaglaban sa sakit na “advanced colon cancer.”
Isang taon matapos ang kaniyang pagkamatay, nanalo bilang ika-15 Pangulo ng Pilipinas ang kaniyang anak na si Benigno Simeon Aquino III, o mas kilala bilang si PNoy.
Vincent Gutierrez/BALITA