Labing-isang taon na ang lumipas nitong Linggo, Enero 25, mula nang maganap ang trahedyang ikinasawi ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa isang marahas na sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao.
Noong Enero 25, 2015, isinagawa ng SAF ang operasyong tinawag na “Oplan Exodus,” na ang layunin ay lusubin ang pinagtataguan ng mga kilalang teroristang sina Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, at Basit Usman sa Barangay Tukanalipao.
Si Marwan, isang Malaysian national, ay itinuturing na isa sa mga pangunahing bomb expert ng mga teroristang grupo at iniuugnay sa ilang malalaking pag-atake, kabilang ang Bali bombings noong 2002 at ang serye ng pambobomba sa Jakarta, Indonesia noong mga sumunod na taon.
Sa kasagsagan ng operasyon, napasok sa matinding putukan ang SAF commandos matapos silang palibutan ng libo-libong armadong kalaban.
Kabilang sa mga grupong nakasagupa nila ang mga puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at iba pang armado sa lugar.
Dahil sa labis na kakulangan sa bilang at suporta, naipit ang tropa sa Tukanalipao. Gayunman, ayon sa mga ulat, pinili pa rin ng mga pulis na lumaban hanggang sa huli upang sagipin ang kanilang mga kasamahang na-trap sa gitna ng bakbakan—isang desisyong nauwi sa kanilang marahas na pagkamatay.
Labintatlong SAF personnel ang nakaligtas sa operasyon. Napatay rin si Marwan sa nasabing engkuwentro, habang si Usman ay napatay ng mga awtoridad makalipas ang ilang buwan, noong Mayo ng parehong taon.
Inilarawan ng nakararami na ang SAF 44 ay mga bayaning nagbuwis ng buhay o "fallen heroes."
Ang matinding panawagan ng publiko para sa transparency ay humantong sa pagbuo ng magkahiwalay na ulat mula sa Senado at ng MILF hinggil sa engkwentro sa Mamasapano. Nagkaroon ng mga paninisi at turuan kung sino o sino-sino ang dapat managot sa tinaguriang “misencounter” sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng mga rebeldeng grupo.
Sa paglipas ng mga taon, itinuturing daw ang misyon bilang paglalantad sa mga pagkukulang sa koordinasyon sa operasyon, mga usapin ng pananagutan o accountability at sisihan sa mga lider ng bansa. Umusbong din ang isyu kung saan sinasabing nagkulang umano sa koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng tanggapan ni dating Pangulong Noynoy Aquino at PNP, kaya nangyari ang massacre.
Si dating PNP Chief Alan Purisima ay inakusahan ng aktibong pakikilahok sa pagpaplano ng Oplan Exodus sa kabila ng pagiging suspendido niya sa panahong iyon. Noong 2014, nasa anim na buwang preventive suspension siya dahil sa umano'y isang maanomalyang kontrata ng PNP sa courier firm na Werfast Documentation Agency Inc. noong 2011.
Pinawalang-sala naman ng Sandiganbayan sina Purisima at noo’y direktor ng Special Action Force (SAF) na si Getulio Napeñas sa mga kasong graft at usurpation of authority, kaugnay sa nabanggit na kontrobersiyal na misyon.
Sa kabilang banda, sa unang anibersaryo ng SAF44, pinarangalan ni Aquino ang SAF44 AT pinulong din niya ang mga naulilang pamilya ng mga police commando.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ng Pangulo na walang parangal at ayuda ang maaaring itapat sa katapangan at kabayanihan ng tinaguriang SAF 44.
“Hindi maghihilom ang sugat sa nangyaring trahedya kung, isang taon na ang nakalipas, ay mailap pa rin ang hustisya sa kanilang pagkamatay. Ang tanong nga: Bakit hanggang ngayon, hindi pa rin napapanagot ang mga dapat managot?” aniya.
Kaugnay na Balita: PNoy: Naiinip na rin ako sa Mamasapano case
Makaraan ang higit isang dekada, patuloy pa ring kinikilala ng bansa ang sakripisyo at katapangan ng SAF 44 na nag-alay ng kanilang buhay para sa kaligtasan at kapayapaan ng mamamayan.
Bilang bahagi ng pag-alala sa kanilang kabayanihan, ipinalabas ang dokumentaryong “Fallen Not Forgotten: The Untold Story of the Gallant SAF 44" noong 2018, at inupload naman sa Netflix noong 2024.
Noong 2022 naman, lumabas ang pelikulang “Mamasapano: Now It Can Be Told,” na naging kalahok naman sa ika-48 Metro Manila Film Festival, sa ilalim ng production company na Borracho Film. Isa sa mga producer nito ay ang kilalang abogado ng mga celebrity at opisyal ng pamahalaan na si Atty. Ferdinand Topacio.
Samantala, narito naman ang mga pangalan ng SAF44 mula sa ranggong Police Senior Inspector hanggang sa Police Officer 1, batay sa mga ulat:
POLICE SENIOR INSPECTOR RANK:
1. Police Senior Inspector Cyrus Paleyan Anniban
2. Police Senior Inspector John Garry Alcantara Erana
3. Police Senior Inspector Joey Sacristan Gamutan
4. Police Senior Inspector Ryan Ballesteros Pabalinas
5. Police Senior Inspector Gednat G. Tabdi
6. Police Senior Inspector Rennie Lumasag Tayrus
7. Police Senior Inspector Max Jim Ramirez Tria
SENIOR POLICE OFFICER 1 RANK:
8. Senior Police Officer 1 Lover L. Inocencio
POLICE OFFICER 3 RANK:
9. Police Officer 3 Victoriano Nacion Acain
10. Police Officer 3 Rodrigo F. Acob Jr.
11. Police Officer 3 Robert Dommolog Allaga
12. Police Officer 3 Jedz-in Abubakar Asjali
13. Police Officer 3 Andres Viernes Duque Jr.
14. Police Officer 3 Noel Onangey Golocan
15. Police Officer 3 Junrel Kibete
16. Police Officer 3 John Lloyd Rebamonte Sumbilla
17. Police Officer 3 Virgel S. Villanueva
POLICE OFFICER 2 RANK:
18. Police Officer 2 Chum Goc-ong Agabon
19. Police Officer 2 Noel Nebrida Balaca
20. Police Officer 2 Richelle Salangan Baluga
21. Police Officer 2 Glenn Berecio Bedua
22. Police Officer 2 Godofredo Basak Cabanlet
23. Police Officer 2 Peterson I. Carap
24. Police Officer 2 Roger Cordero
25. Police Officer 2 Franklin Cadap Danao
26. Police Officer 2 Walner Faustino Danao
27. Police Officer 2 Joel Bimidang Dulnuan
28. Police Officer 2 Amman Misuari Esmula
29. Police Officer 2 Jerry Dailay Kayob
30. Police Officer 2 Noble Sungay Kiangan
31. Police Officer 2 Ephraim G. Mejia
32. Police Officer 2 Nicky D.C. Nacino Jr.
33. Police Officer 2 Omar Agacer Nacionales
34. Police Officer 2 Rodel Eva Ramacula
35. Police Officer 2 Romeo Valles Senin II
POLICE OFFICER 1 RANK:
36. Police Officer 1 Russel Bawaan Bilog
37. Police Officer 1 Windell Llano Candano
38. Police Officer 1 Loreto Guyab Capinding II
39. Police Officer 1 Gringo Charag Cayang-o
40. Police Officer 1 Romeo Cumanoy Cempron
41. Police Officer 1 Mark Lory Orloque Clemencio
42. Police Officer 1 Angel C. Kodiamat
43. Police Officer 1 Joseph Gumatay Sagonoy
44. Police Officer 1 Oliebeth Ligutan Viernes
Sa kabila ng mga parangal at papuri, nananatiling buhay ang panawagan ng mga naiwang pamilya ng SAF 44—ang patuloy na paghahanap ng hustisya para sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kaugnay na Balita: BALITAnaw: Ang pagbubuwis ng buhay ng SAF 44, isang dekada ang nakalipas