January 26, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga puwedeng panoorin patungkol sa Mamasapano massacre at SAF 44

ALAMIN: Mga puwedeng panoorin patungkol sa Mamasapano massacre at SAF 44
Photo courtesy: RCADD PRO 10 (FB screenshot), Fallen Not Forgotten (website)

Higit isang dekada na ang nakalipas matapos ang malagim na pagkasawi na 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) mula sa karumdumal na bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao, noong Enero 25, 2025.

Matatandaan na sa ilalim ng “Oplan Exodus,” binigyang direktiba ang SAF para lusubin ang Tukanalipao, kung saan nagtatago ang mga kilalang terorista na sina Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, na pinaka-kinatatakutan na terorista sa Southeast Asia at Federal Bureau of Investigation (FBI)’s most wanted; at si Basit Usman, na isang eksperto sa paggawa ng improvised bombs. 

Sa kainitan ng operasyon, nasabak sa matinding bakbakan ng mga armas ang SAF commandos nang mapalibutan sila ng mga armadong grupo. 

Gayunpaman, sa kabila ng labis na kakulangan sa bilang at suporta at pagkaipit sa Tukanalipao, pinili pa rin ng kapulisan lumaban para subukang sagipin ang kanilang mga kasamahan. 

Human-Interest

ALAMIN: Paano ititigil ang procrastination?

MAKI-BALITA: BALITAnaw: Buwis-buhay ng SAF 44 sa madugong engkuwentro sa Mamasapano

Kaya bilang pagkilala sa mga sakripisyo, kabayanihan, at kapatiran na ipinamalas ng SAF 44 sa bansa at maging sa mga kasamahan nila, may mga pelikula at dokumentaryo na inilabas sa media para ma-ukit ang mga alaala at aral na ito sa kasaysayan. 

Fallen Not Forgotten: The Untold Story of the Gallant SAF 44

Ang “Fallen Not Forgotten: The Untold Story of the Gallant SAF 44" nina Adrian Belic, Sally Jo Bellosillo, at Emile Guertin, na unang inilabas noong 2018, at inupload naman sa Netflix noong 2024. 

Sa dokumentaryong ito, ipinakita ang ilang “never before seen” interviews, mga footage mula sa aktwal na engkwentro, at ilang pagsasadula ng mga naging pangyayari. 

Mamasapano: Now It Can Be Told

Ang Mamasapano: Now It Can Be Told ni Lester Dimaranan ay unang inilabas noong 2022. 

Ipinakita sa action film na ito ang muling pagsasadula ng mga naging pangyayari sa SAF 44 sa Maguindanao at maging ang talastasan sa pagitan ng mga opisyal ng bansa. 

Ilan sa mga gumanap na personalidad dito ay sina Edu Manzano, Alan Paule, Aljur Abrenica, at Paolo Gumabao. 

OPLAN EXODUS: The SAF 44 Documentary

Ang dokumentaryong ito ay naka-upload sa YouTube, sa ilalim ng channel na “TrageDiaries,” noong 2022. 

Ipinakikita rito ang animated na pagsasadula ng mga naging pangyayari sa Mamasapano case habang may kasamang voice over base sa mga nakalap na mga ulat at litrato sa media. 

Sean Antonio/BALITA