Hinikayat ng ilang mga netizen ang dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayo'y Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager na si Nicolas Torre III na ikonsidera ang pagtakbo sa posisyon bilang pangulo o senador sa 2028.
Makikita ang paghimok kay Torre sa social media post niya, sa larawan nila ng asawang si Patricia Jane Torre, noong Biyernes, Enero 23.
Sa nabanggit na larawan, mahihinuhang mula ito sa souvenir photo ng isang event na dinaluhan nila, na batay sa naka-print sa ibaba ay testimonial dinner ni PBGen. Jack Wanky noon ding araw na iyon.
Makikitang karga ni Torre ang misis habang si Patricia naman ay naka-finger heart pa.
Mababasa sa caption ng post, "Buti na lang sexy ang asawa ko! Hahaha!"
Photo courtesy: Screenshot from Nicolas Torre III/FB
Sa comment section naman, ilang netizens ang nangumbinse kay Torre na subukin niyang tumakbo sa pagkapangulo sa national elections sa 2028.
"Sir Gen.Torre for President in 2028" saad ng isang netizen na may verified account.
Isang kapwa netizen naman ang nagkomento at sinabing simulan daw muna ng ex-PNP chief sa pagkasenador.
"senator po muna mam," saad ng netizen.
Isang netizen pa ang sumegunda at sinabing "We need you at the senate Gen. Torre."
Pero may isa pang netizen ang humirit at sinabing for presidency raw dapat ang takbuhin ng kasalukuyang MMDA general manager.
"GO FOR THE PRESIDENCY IN 2028 SIR Nicolas Torre III," aniya.
Isang netizen naman ang nagbanggit na puwede siyang tumakbo sa pagka-Vice President, katandem ng dating senador na si Sonny Trillanes, na tila manok naman niya sa pagka-President.
"Trillianes for president, Torre for Vice president," saad ng netizen.
May isa pang tumawag sa kaniya ng "Cong Torre" dahil kailangan daw siya sa Congress, o mas partikular sa Kamara.
"Cong Torre, kailangan ka sa Congress," aniya.
Hirit naman ng isa pang netizen, "At kaya pang buhatin si Mrs..Sir. Pwede pa po takbo at maupo bilang President sa 2028...Nakatakda na po ito sa LANGIT..God bless us all."
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi naman nag-react o nag-iwan ng komento si Torre kung bukas ba siya sa kahit na anong posisyon para maging kandidato sa eleksyon sa 2028.