Bukas si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa posibilidad na makipag-alyansa sa mga kandidato ng kasalukuyang administrasyon sa darating na 2028 elections.
Sa isang episode ng “Sa Totoo Lang” ng One PH noong Biyernes, Enero 23, nabanggit ni Trillanes ang isang aral na natutuhan umano nila sa pampanguluhang halalan noong 2022.
Ani Trillanes, “Pagka huli ka na nagdesisyon, huli ka na magsisimula. At nakita naman natin kung ano ang resulta no’n. Hindi maganda.”
“So ngayon,” pagpapatuloy niya, “napagkaisahan ng iba’t ibang grupo na mas maganda nang maaga ‘yong pagpili at pagsimula nang sa gano’n gumanda ang tiyansa ng middle forces.”
Dagdag pa ng dating senador, “Ang tinutulak ko nga, magsanib-pwersa pa ang middle forces—’yong mga Kakampink, and the others—with the admin supporters. Kasi ‘pag gano’n, mas malaki ang tiyansa talaga na matatalo ang pwersa ng mga Duterte.”
Iginiit ni Trillanes na pagiging madiskarte umano ang hakbang na ito.
“Mas importante ‘yong mananalo tayo para makapagsilbi tayo. Kaysa ‘yong sabihin mong ang importante pure ka kahit matalo ka. I won’t buy that kasi in the end, talo ang bansa diyan at ‘yong mga kababayan natin,” saad niya.
Matatandaang naging usap-usapan kamakailan ang social media post ni Mamamayang Liberal (ML) Rep. Leila De Lima kung saan makikitang kasama niya sa larawan sina Trillanes, Akbayan Rep. Chel Diokno, Sen. Risa Hontiveros, at iba pa para sa umano’y pagpupulong.