Diretsahang kinuwestiyon ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela ang umano’y Pilipinong trolls sa mundo ng social media na tila pumapanig sa bansang China.
Kaugnay ito ng ibinahagi ni Tarriela sa kaniyang “X” account nitong Sabado, Enero 24, mula sa Facebook post ng netizen na nagngangalang “Lovely Granada.”
“FB pages & accounts selling the narrative of China, naglipana. They're trying to turn us against our own. They demonise those who stand for our territory. Wag natin sukuan ang ating mga mangingisda. Mga kapatid, tumindig tayo para sa Pilipinas,” pagbabahagi ni Granada.
Ayon naman sa naging tugon ni Tarriela sa naturang post ni Granada, muli raw niyang “na-realized” na muling bumabalik ang mga bayad na trolls na tila kasing ingay umano ng mga insekto sa social media pagdating sa usapin sa pagitan ng Pilipinas at ng China.
“While the Chinese government is moving heaven and hell to silence our transparency efforts in the West Philippine, I realized that these paid trolls have come to life once again. They are again as loud as the buzz of the insects bursting noise that do not make sense,” mababasa sa pahayag ng PCG Spox.
Screenshot mula sa “X” ni Tarriela.
Nagawa ring manawagan ni Tarriela sa taumbayan na katukin, tawagan, at tanungin umano nila ang mga kilala nilang trolls kung bakit pumapanig ang mga ito sa China kaysa sa mga sundalo, coast guard, at mangingisdang Pilipino.
“Kung kilala ninyo sila—kung sila'y kamag-anak, kaibigan, o kapitbahay ninyo— katukin ninyo ang pinto nila, i-text o tawagan, at tanungin kung masaya ba silang pumili sa panig ng China kaysa sa ating mga sundalo, mga coast guard, at ordinaryong mangingisdang Pilipino,” pagdidiin niya.
“Pakitanong na lang din po: ‘Pilipino po ba kayo?’” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang binuweltahan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan si Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei tungkol sa naging sagot nito sa nauna nang pahayag na inilabas ni Sen. Risa Hontiveros.
MAKI-BALITA: Sen. Kiko, bumuwelta sa Chinese embassy matapos puntiryahin si Sen. Risa!
Ani Pangilinan, kaduwagan o “cowardice” raw na magtago si Wei sa likod ng kanilang kinatawan para sabihin ang nais niyang ipahayag.
Tila mas maganda raw na hayaan na lang nila na magsalita ang Ambassador ng Chinese embassy na si Jing Quan patungkol sa usaping ito.
MAKI-BALITA: Pabiktima? Sen. Risa, binira pagiging 'balat-sibuyas' ng China sa WPS
MAKI-BALITA: 'We will never be a province of China!' Sen. Pangilinan, sumabat sa Chinese Embassy
Mc Vincent Mirabuna/Balita