Ipinagtanggol ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang traffic enforcer nilang pinagkamalang nagtatago umano habang nasa lansangan.
Sa Facebook post kasi ni Kuya Jerwin Moto nitong Sabado, Enero 24, ibinahagi niya ang larawan ng naturang traffic enforcer kalakip ang malisyosong caption.
“FROM Unknown Follower - tagu taguan sa Nagtahan Bridge(ilalim) ganyan na po ba talaga ang sistema ng enforcers ngaun?” ani Kuya Jerwin.
Ngunit paglilinaw ng MMDA, “[N]ais namin ipabatid na hindi po nagtatago ang traffic enforcer, kundi nag-ooperate ng traffic signal light sa nabanggit na lugar.”
“Sa nakunan na litrato, ang traffic enforcer ay nakatayo sa harap ng local controller ng traffic signal light sa Plaza Avelino intesection, ilalim ng Nagtahan Bridge sa Maynila. Kinakailangang mano-mano na i-operate ang traffic signal light dahil sa sitwasyon ng trapiko sa lugar,” dugtong pa nila.
Kaya naman pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na suriin munang mabuti ang sitwasyon at alamin ang buong konteksto bago bumuo ng sariling pagpapakahulugan para gawing content.