January 24, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Mel Tiangco, pumalag mismo; Alex Eala, inisyung ininsulto!

Mel Tiangco, pumalag mismo; Alex Eala, inisyung ininsulto!
Photo courtesy: Screenshot from 24 Oras (YT)/via MB

Si award-winning GMA News broadcast-journalist at "24 Oras" news anchor Mel Tiangco na mismo ang nagsabing fake news ang mga kumakalat na social media post, na umano'y ininsulto niya ang Filipina tennis star na si Alex Eala.

Matapos mag-ulat ng patungkol kay Alex, mariing pinabulaanan ni Mel nitong Biyernes ng gabi, Enero 23, ang kumakalat na post na kesyo pinagsalitaan nga niya ng mga hindi kaaya-ayang mga salita ang tennis star.

Bukod pa rito, mababasa pa sa nabanggit na post na rumesbak daw si Alex laban kay Mel.

"Naku eh, baka po sakaling nakita n'yo 'yong mga pekeng post na ininsulto ko raw si Philippine tennis star Alex Eala. Naku, tahasan ko pong sasabihin, fake po ang mga post na 'yan," paglilinaw mismo ni Mel.

Tsika at Intriga

'Di nila gets ang pressure!' Mikee Quintos, inungkat 'pabigat' issue sa group work noong college

"Sabi pa sa mga pekeng post, sumagot pa raw si Eala gamit ang mga maaanghang na salita. Uulitin ko po, fake news po 'yan! Wala po akong sinabing anumang negatibo laban kay Alex, hindi ko rin siya ininsulto kailanman, bagkus ipinagbubunyi ko siya at ipinagdarasal pa. Salamat po," aniya.

Ipinakita pa ang screenshot ng malisyosong post mula sa page na "Tennis Spark" na inupload noong Enero 6, 2026.

Photo courtesy: Screenshot from 24 Oras/YT

Patuloy na umuukit ang pangalan ni Alex Eala sa kasaysayan at mundo ng tennis matapos makapasok sa Top 50 ng Women’s Tennis Association (WTA), itinuturing na pinakamataas na ranggong naabot ng isang Pilipino sa professional tour.

Itinuturing din siyang kauna-unahang manlalarong Pilipino na nakatalo ng higit sa isang top-5 player at mga kampeon ng Grand Slam, at nakarating sa isang finals match sa antas ng tour sa modernong panahon ng tennis.