Ang sahod o kita ng mga manggagawa ang pangunahing pambansang alalahanin ng mga adult na Pilipino, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Batay sa ikaapat na quarter ng 2025 survey, 45% ng mga respondent ang nagsabing ang pagpapabuti o pagpapataas ng sahod at suweldo ng mga manggagawa ang kanilang pangunahing pambansang isyu.
Ayon sa resulta kada lugar, 47% ng mga respondent saLuzon at Visayas, 42% sa Mindanao, at 41% sa National Capital Region (NCR) ang nagsabing kailangang kumilos ang administrasyong Marcos upang mapabuti o mapataas ang sahod ng mga manggagawa.
Sinabi ng OCTA na, “The share of adult Filipinos citing improving or increasing workers’ wages as an urgent national concern rose sharply in the Fourth Quarter (Q4) of 2025, marking its steepest increase since March 2024.”
Bukod sa sahod, kabilang sa iba pang pangunahing pambansang alalahanin ng mga Pilipino ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na may 41%, access sa abot-kayang pagkain tulad ng bigas, gulay, at karne na may 30%, paglaban sa katiwalian sa gobyerno na may 29 porsiyento, at pagbibigay ng libre at dekalidad na edukasyon na may 28%.
Samantala, kalusugan naman ang nangungunang urgent personal concerns ng iba pang Pilipino. 65% ng mga respondent ang nagsabing ang pananatiling malusog at pag-iwas sa sakit ang kanilang pangunahing personal na alalahanin.
Sinundan ito ng pagtatapos ng pag-aaral o kakayahang mapag-aral ang mga anak na may 45%, pagkakaroon ng sapat na makakain araw-araw na may 44%, pagkakaroon ng ligtas at maayos na trabaho o pinagkakakitaan na may 39%, at pag-iwas na maging biktima ng malubhang krimen na may 38%.
Batay sa socioeconomic class, nananatiling pangunahing alalahanin ang kalusugan ng 81% ng mga respondent sa Class ABC, 66% sa Class D, at 71% sa Class E.
Isinagawa ang survey mula Disyembre 3 hanggang 11, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondent.
May margin of error itong ±3 porsiyento sa 95% confidence level. Para naman sa mga subnational estimate sa Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao, ang margin of error ay ±6%, ayon sa OCTA.