Tinatayang aabot sa mahigit 1.3 milyong bilang ng mga pasyente mula sa mga hospital ng Department of Health (DOH) ang wala umanong binayarang hospital bill bago matapos ang 2025 dahil sa Zero Balance Bill (ZBB).
Ayon sa naging Facebook post ng DOH sa kanilang page nitong Sabado, Enero 24, sinabi nilang aabot umano sa ₱74.65 bilyon ang kabuuang hospital bills mula Hulyo hanggang Disyembre noong 2025 ang naging libre para sa mga pasyenteng naka-admit sa basic o ward accommodation sa mga hospital ng DOH.
“Mahigit 1.3 milyong pasyente sa mga DOH hospitals ang walang binayarang hospital bill sa pagtatapos ng 2025 dahil sa Zero Balance Billing (ZBB),” pagsisimula nila.
Screenshot mula sa FB post ng DOH.
Dagdag pa nila, “Mula Hulyo hanggang Disyembre, umabot sa ₱74.65 bilyon ang kabuuang hospital bills na naging libre para sa mga pasyenteng naka-admit sa basic o ward accommodation.”
Anang DOH, pinangangasiwaan ni DOH Sec. Ted Herbosa ang mahigpit na mahigpit na pagpapatupad ng ZBB sa lahat ng DOH hospitals ayon sa pag-uutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Mahigpit na ipinatutupad ang ZBB sa lahat ng DOH hospitals alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. at sa pangangasiwa ni DOH Secretary Ted Herbosa,” saad nila.
Anila, hindi bababa 90% na mga hospital bed ng DOH hospital ang nakalaan para sa basic accommodation kaya raw maitatayang aabot din sa 90% ang benepisyaryo ng nasabing programa.
“Hindi bababa sa 90% ng mga hospital bed sa DOH hospitals ay nakalaan sa basic accommodation, kaya’t tinatayang 90% din ng mga naka-admit ang benepisyaryo ng programa,” paliwanag nila.
Ayon pa sa DOH, mas mapapalawak daw nila ang implementasyon ng ZBB dahil na rin sa aprubadong 2026 budget at iba pang pondong nakalaan para sa kanilang kagawaran ngayong taon.
“Dahil sa aprubadong 2026 budget ng kagawaran, nakalaang isang bilyong pisong pondo para sa ilang LGU hospitals at karagdagang isang bilyong pisong pondo para sa operasyon ng apat na specialty hospitals, mas mapalalawak pa ng kagawaran ang implementasyon ng programa.,” pagtatapos pa nila.
MAKI-BALITA: DOH, ipinaalalang mas mabilis makahawa ang ‘super flu’
MAKI-BALITA: Bayad na bill ninyo? Mga dapat malaman tungkol sa ‘Zero-Balance Billing Policy’
Mc Vincent Mirabuna/Balita