January 24, 2026

Home BALITA Metro

Kinasuhang sekyu dahil sa paghagis ng tuta sa footbridge, hinatulang guilty!

Kinasuhang sekyu dahil sa paghagis ng tuta sa footbridge, hinatulang guilty!
Photo courtesy: Animal Kingdom Foundation (FB)

"Guilty beyond reasonable doubt" ang hatol ng hukuman sa isang security guard ng isang mall sa Quezon City kaugnay sa umano'y marahas na pagpatay sa isang tuta noong Hulyo 2023, ayon sa Animal Kingdom Foundation (AKF).

Batay sa post ng AKF sa kanilang opisyal na Facebook page, batay sa desisyon ng korte, napatunayang itinapon ng akusadong guwardiya ang tuta na pinangalanang Browny mula sa isang footbridge, na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng hayop.

Kaugnay na Balita: Security guard na naghagis ng aso mula sa footbridge, sinisante

Ang insidente ay umani ng matinding galit at pagkondena mula sa publiko at mga animal welfare advocates.

Metro

Valenzuela City Councilor, sinita sa umano’y maluhong pamumuhay

Isinulong ng AKF ang kasong kriminal laban sa akusado, na humantong sa paglabas ng hatol ngayong linggo. Bilang parusa, sinentensiyahan ang nasabing security guard ng pagkakakulong ng isang (1) taon at anim (6) na buwan at isang (1) araw bilang minimum, hanggang dalawang (2) taon bilang maximum.

Bukod dito, pinagmulta rin ang akusado ng ₱100,000. Ayon sa desisyon ng korte, kung hindi niya kayang bayaran ang multa dahil sa kawalan ng kakayahang pinansyal, ipapataw sa kaniya ang subsidiary imprisonment bilang kapalit ng pagbabayad ng multa.

Pinanagot din siya sa aspetong sibil at inutusang magbayad ng ₱20,000 bilang moral damages sa fur parent ni Browny. Ang nasabing halaga ay magkakaroon ng 6% legal interest kada taon, na magsisimula sa petsa ng pagiging pinal ng desisyon hanggang sa ganap itong mabayaran.

Sa pahayag ng AKF, sinabi nilang ang hatol ay nagbibigay-katarungan sa buhay na nawala at nagsisilbing malinaw na babala na ang kalupitan sa mga hayop ay may kaakibat na pananagutan sa ilalim ng batas.

Tinukoy rin ng grupo ang kanilang paninindigan bilang mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga hayop, na anila’y “boses ng mga walang tinig.”

"May this ruling honor the life that was lost and serve as a warning that ANIMALS ARE NOT DISPOSABLE, and CRUELTY HAS CONSEQUENCES," anila.

"We will continue to speak, fight, and demand justice for those who cannot. WE ARE THE VOICE OF THE VOICELESS," pahayag pa.

Photo courtesy: Screenshot from Animal Kingdom Foundation (FB)

Kaugnay na Balita: PAWS, kakasuhan security guard na naghagis ng aso mula sa footbridge

Kaugnay na Balita: Sekyu na naghagis ng aso mula sa footbridge, posibleng mawalan ng lisensya – PNP-SOSIA