January 26, 2026

Home BALITA Metro

Inuman ng mga kabataan, nauwi sa batuhan at sapakan sa kapitbahay

 Inuman ng mga kabataan, nauwi sa batuhan at sapakan sa kapitbahay
Photo courtesy: Contributed photo

Nahuli-cam sa CCTV ang insidente ng suntukan at batuhan ng bote at bato sa Flora Street, Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal, madaling araw ng Sabado, Enero 24, 2026.

Ayon sa barangay, bandang alas-1 ng madaling araw nang mamonitor ng mga CCTV operator ang kaguluhan sa kanto ng Flora Street at Irma Street.

Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente sa isang inuman ng mga kabataan sa labas ng isang bahay. Ayon sa barangay, ilang ulit na umano itong pinagsabihang itigil dahil lampas na sa curfew at wala umanong kaukulang permiso.

Sinabi ni Barangay Kagawad Ray Vila na tatlong beses na inikutan ng mga barangay tanod ang lugar. Sa ikalawang pagbalik, nagsimula nang magligpit ang mga kabataan at naghiwa-hiwalay.

Metro

Buntis, nanganak sa tabi ng kalye!

“Pumunta ang ating barangay pulis at pinatigil ang inuman dahil hatinggabi na,” ani Vila sa panayam sa media.

Dagdag niya, ipinagbabawal ang pag-iinuman sa kalsada kung walang pahintulot at nakatayong tent.

Habang paalis na ang mga kabataan, lumabas umano ang isang mag-asawa mula sa katapat na bahay matapos magising, at dito nagsimula ang pagtatalo na nauwi sa pisikalan, na makikita rin sa CCTV footage.

Batay sa magkakahiwalay na blotter report, iginiit ng dalawang lalaki mula sa panig ng mga kabataan na nagliligpit na sila nang suntukin umano sila ng lalaking kapitbahay.

Samantala, ayon naman sa mag-asawa, ang mga kabataan umano ang unang nanigaw at nanakit kaya napilitan ang lalaki na gumanti.

Kapwa naghain ng blotter report ang dalawang panig na itinuturing na countercharges. Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga sangkot sa insidente.

Nagpaalala naman ang pamahalaang barangay sa publiko na sumunod sa umiiral na mga ordinansa, partikular ang curfew hours.

“Mahigpit naming ipinapaalala sa ating mga ka-barangay na sundin natin ang ating batas,” ani Vila, at iginiit na ang mga menor de edad ay kinakailangang nasa loob na ng bahay pagsapit ng alas-10 ng gabi.