Nagbigay ng matapang na saloobin ang GMA Network headwriter na si Suzette Doctolero kaugnay sa pag-aresto kay dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na nahaharap sa kasong malversation of public funds na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Enero 24 ng madaling-araw, iginiit ni Doctolero na naging “madaling target” si Revilla dahil wala na itong hawak na posisyon sa gobyerno, hindi umano kabilang sa tunay na hanay ng mga makapangyarihang kaalyado, at dati nang nasangkot sa kasong plunder.
Aniya, dahil dito ay madali siyang ialay sa galit ng publiko.
"Easy target si Bong Revilla kasi walang posisyon ngayon, hindi tunay na kaalyado, at may kaso na ring plunder dati kaya ang daling ialay sa galit na galit na bayan," aniya.
Gayunman, iginiit ng manunulat na mas dapat umanong tutukan ang mga mas malalaking personalidad na sangkot sa katiwalian ngunit nananatiling hindi napapanagot sa batas.
Tinukoy niya ang mga ito bilang mga “mas malalaking buwaya” na hanggang ngayon ay nananatiling untouchable sa kabila ng mga alegasyon laban sa kanila.
"Pero kumusta ang mga mas malalaking buwaya na until now ay untouchable pa rin?" aniya.
Binigyang-diin din ni Doctolero ang paalala sa publiko na huwag agad masiyahan sa aniya’y "mumong" ibinibigay, lalo na kung ang mga tunay na responsable sa paglustay ng pondo ng bayan ay patuloy umanong naghahari at nagtatago sa likod ng panlilinlang.
"Huwag pabola sa mga mumong ibinibigay lalo’t ang mga tunay na nagkasala ay patuloy pa ring naghahari at nagtatago sa panlilinlang," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Suzette Doctolero/FB
Nagbukas naman ang pahayag ng GMA headwriter ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens, na muling nagbukas ng diskurso tungkol sa pananagutan at pagtatamo ng hustisya.
Sabi ng isa, "Agree. Ang process sobra bilis pati. Friday sinampa ang kaso, Monday na raffle na sino Judge sa morning, Tapos 11am may warrant of arrest na. Ang bilis na-review ng 600 pages documents ah. Nakakagulat as in."
Tugon naman dito ni Suzette, "alarm Na hahaha may himala!"
Saad pa ng ilan:
"Ang problema, hindi naman humupa ang galit ng taumbayan. Mas lalo pang nagalit kasi pinagmumukang tanga tayo lahat."
"Exactly. Same sentiment."
"Tama! Sacrificial lamb na may agimat."
"Suzette Severo Doctolero deserved nya din yan. Yan ang sinuportahan nya last election na ngayon nagpakulong sa kanya."
"Pareho lang sa dati. Bagay talaga ang tawag nilang Unity."
"palabas lang nila yan mam gaya ng sabi ng anak nya na magaling daw ang pamumuno ng kanyang PANGULO kumbaga kulong ngaun laya sa susun0d na buwan."
Matatandaang kusang sumuko sa mga awtoridad ang aktor at dating senador kasunod ng inilabas na warrant of arrest at hold departure order ng Sandiganbayan laban sa kaniya, noong Lunes, Enero 19, 2026.