Inanunsyo ng international toy company na Mattel kamakailan ang launch ng kauna-unahan nilang disenyo na “Autistic Barbie” bilang representasyon sa Autistic community sa buong mundo.
Anila, sa tulong ng kanilang partnership sa Autistic Self Advocacy Network (ASAN), layon nilang mas mapalawig ang pag-intindi ng publiko sa Autism.
“Created with guidance from the autistic community to represent common ways autistic people may experience, process, and communicate about the world around them, this doll invites more children to see themselves represented in Barbie, and helps us all understand the many ways we each can experience the world,” saad ng Mattel sa kanilang social media noong Enero 13.
MAKI-BALITA: ‘First-ever Autistic Barbie,’ idinesenyo para mairepresenta Autistic community
Sa Pilipinas naman, idinedeklara ang ikatlong linggo ng Enero bilang “Autism Consciousness Week” sa layong iudyok ang pagpapalawak ng kaalaman ng pamahalaan hinggil sa mga pagsubok na kinahaharap ng mga taong may autism, para sila’y matulungan mamuhay nang maayos at may dignidad sa lipunan.
Ang consciousness week na ito ay unang naisabatas ni dating pangulong Fidel V. Ramos noong Enero 1996.
Dahil dito, ano nga ba ang "Autism Spectrum Disorder?”
Ayon sa Psychiatry.org, ang Autism Spectrum Disorder (ASD) ay isang complex developmental condition na kadalasang kinakikitaan ng pagsubok sa social communication, mga limitadong interes, at repetitive behavior o paulit-ulit na kaugalian.
Saad pa sa pag-aaral na ito, habang “lifelong condition” na maituturing ang autism, kinakailangan pa rin dito ang mga partikular na serbisyo at suporta mula sa mga pagsubok na kinahaharap ng mga indibidwal na mayroong kondisyon na ito.
Ayon naman sa American Brain Foundation, habang hindi natutukoy nag mga eksperto ang sanhi ng autism, pinaniniwalaan ng mga ito na genetics at environment o kapaligiran ang ilan sa mga nakaaapekto sa pagkakaroon ng kondisyong ito.
Ani pa rito, mas mataas ang posibilidad ng mga batang lalaki magkaroon ng ASD kumpara sa mga babae.
Mga sintomas ng ASD
Base rin sa pag-aaral ng American Brain Foundation, narito ang mga kadalasang sintomas ng ASD na nakikita sa mga bata at adults:
- Pag-iwas sa eye contact o mas gusto ang pagiging mapag-isa.
- Hirap sa pag-intindi o pagbabahagi ng saloobin.
- Hirap sa pag-intindi ng social cues tulad ng tono, facial expressions, at body language.
- Intense focus sa ilang partikular na paksa, interes, o bagay.
- Pagkakaroon ng paulit-ulit na kilos tulad ng pag-uulit ng mga salita o pangungusap.
- Hirap sa pag-adjust sa mga pagbabago sa routine.
- Pagiging sensitibo sa liwanag, tunog, damit, o temperatura.
Bukod pa sa mga nasabing sintomas at senyales ng ASD, may ilang indibidwal na kinakikitaan ng partikular na galing sa mga aspeto tulad ng pagkatuto at pagtanda ng impormasyon.
Dahil dito, ang ilang indibidwal na may ASD ay posibleng mahusay na visual o auditory learners, habang may ilan na gifted sa mga asignaturang math, science, music, o art.
Diagnosis
Binanggit din sa ilan pang pag-aaral na kadalasan, ang ASD ay natutukoy ng mga doktor sa unang 24 buwan ng isang bata.
Dahil posible rin itong hindi matukoy ng ilang taon, lalo na sa mga bata na mayroong mild symptoms o may iba pang kondisyon, maaari ding ma-diagnose ng ASD ang adults.
Sean Antonio/BALITA