Nagsasagawa ng malawakang search and rescue operations ang Philippine Coast Guard (PCG) sa katubigan ng Mindanao dahil sa pagkawala ng isang recreational motor banca kamakailan.
Base sa pahayag ng PCG nitong Sabado, Enero 24, apat na bangkay na ang kanilang narekober bandang 11:45 ng umaga.
Ang mga nasabing bangkay ay nai-turnover na sa Philippine Navy Vessel PS 37 (BRP ARTEMIO RICARTE) para mailipat ng isla.
Sa kasalukuyan, patuloy na isinasagawa ang search and rescue (SAR) para mahanap ang 12 pasahero at tatlong crew members ng MBCA Amejara sa katubigan ng Davao Gulf.
MGA PANGYAYARI SA PAGTAOB NG MBCA AMEJARA
Base sa paunang ulat ni PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab sa media noong Miyerkules, Enero 21, umalis ang MBCA Amejara sa Sta. Ana Wharf, Davao City, noong 8 ng gabi, Enero 17.
Inaasahan itong makakarating sa Governor Generoso, Davao Oriental, nang Lunes, Enero 19.
Gayunpaman, sa araw din daw na ito, nakaranas ng malalakas na hangin at matataas na alon sa Davao Gulf ang motor banca, na nagdulot para tumaob ito.
Ang insidente ay nai-report sa PCG bandang 2 ng hapon noon ding Enero 19.
Pagdating ng 10:46 ng umaga ng Enero 20, natagpuan ng PCG ang isa sa mga pasahero na kinilalang si Christopher Bulig, sa katubigan ng Sarangani.
Ibinahagi ni Bulig na turista ang mga lulang pasahero, at ang motor banca ay nirentahan para makapangisda ang mga ito.
Ayon din sa testimonya ni Bulig, matapos ang pagtaob, nakahanap pa ng mga kakapitang tira-tira ng motor banca ang ilang pasahero para makalutang sa dagat, at nagawa pa nilang magrupo ang sarili, sa bandang Davao Gulf.
Ang ilan din daw sa mga ito ay naghihintay magka-signal dahil mahina raw ang signal sa lugar na ito.
Ibinahagi ni Bulig na sumubok siyang lumangoy papunta sa baybayin, gayunpaman, dahil sa malalakas na alon, napagod at nagutom siya kaya nagpalutang-lutang na lamang siya sa dagat nang buong gabing iyon ng Enero 19.
Ayon sa panayam ng media kay Cayabyab, posibleng dulot ng amihan at mga alon ang nagtangay sa MBCA Amejara patungong Sarangani, mula sa Davao Gulf.
PAGPAPATULOY NG SEARCH AND RESCUE OPERATIONS
Inilabas ng Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM) ang kanilang fixed-wing aircraft, Islander 251 noong Biyernes, Enero 23, bilang karagdagang suporta sa kanilang extensive SAR.
Sa panayam ng media kay Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM) Commander, Commodore Philipps Soria PCG nitong Enero 24, hindi pa nila mailalabas ang identidad ng mga pasahero at ilan pang crew members ng MBCA Amejara dahil patuloy pang isinasagawa ang masusing SAR at isasailalim pa ang mga ito sa kumpirmasyon.
Sean Antonio/BALITA