January 26, 2026

Home BALITA

Tanggal angas! Pulis na hinarangan ang truck ng bumbero, buminggo sa LTO

Tanggal angas! Pulis na hinarangan ang truck ng bumbero, buminggo sa LTO
Photo courtesy: LTO-Philippines/FB

Inisyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ang pulis na driver ng isang sasakyang sinadya umanong humarang sa isang truck ng bumbero.

Ayon sa inilabas na pahayag ng LTO sa kaniyang opisyal na Facebook account nitong Biyernes, Enero 23, 2026, bagama’t hindi nilinaw ang motibo ng naturang pulis, ay sinabi ng ahensya na bukod sa mga panghaharang ay pinagsalitaan pa raw ng pulis ng kung ano-ano ang mga bumbero.

“Isang insidente na kumakalat sa social media kung saan ang driver ng isang Toyota Vios – na tila isang opisyal ng pulisya – ay sinasabing sadyang huminto sa harap ng isang fire truck upang hadlangan ito at gumawa ng hindi nararapat na mga pahayag laban sa driver ng fire truck,” anang LTO.

Kaugnay nito nilinaw din ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na labag umano sa batas ang ginawang panghaharang ng isang pulis.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

“Ang pagharang sa kanilang daanan at paggawa ng hindi angkop na pag-uugali ay hindi lamang labag sa batas kundi labag din sa mga prinsipyo ng pagiging responsableng mamamayan at public servant kung sakaling ang nasangkot ay isang kawani ng gobyerno,” saad ni Lacanilao.

Bunsod nito, minandato ng LTO na paharapain sa kanilang tanggapan ang naturang pulis upang magpaliwanag sa agaw-eksena umano nitong ginawa sa truck ng bumbero.

“Bilang bahagi ng prosesong legal, ang mga nasangkot ay inatasang dumating sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa East Avenue, Lungsod Quezon, sa ika-29 ng Enero 2026 (Huwebes) alas-1 ng hapon, at maghain ng Verified o Sworn Comment / Explanation,” saad ng LTO.

Pansamantala namang nakalagay sa alarm status ang sasakyan ng pulis at pansamantala ring suspendido ng 90 araw ang lisensya nito habang gumugulong ang imbestigasyon.