January 25, 2026

Home BALITA National

Sen. JV Ejercito sa panawagang masibak sa Ethics Committee: 'Malaking kagaanan po ito!'

Sen. JV Ejercito sa panawagang masibak sa Ethics Committee: 'Malaking kagaanan po ito!'
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Tila walang planong pigilan ni Committee on Ethics and Privileges Chairman Sen. JV Ejercito ang panawagan laban sa kaniya na maalis sa puwesto ng nasabing komite. 

Ayon sa naging pahayag ni Ejercito sa panayam sa kaniya ng One News PH nitong Biyernes, Enero 23, sinabi niyang “go lang” daw na manawagan ang mga indibidwal sa kaniya na masibak sa Committee on Ethics dahil wala raw may gusto ng komiteng ito. 

“Go lang dahil walang may gusto ng Ethics Committee,” pagsisimula niya, “Tinanggap ko nga lang ‘yan dahil walang gustong tumanggap.” 

Dagdag pa niya, “Kaya nga last day ng session, October, tinanggap ho ‘yan tapos next day, nag-adjourned na. Kasi nga, wala po talagang gustong kumuha nitong ethics committee, e, napakiusapan lang po ako.” 

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

Ani Ejercito, malaking bagay raw para sa kaniya sakaling mang matanggal pa siya sa Committee on Ethics dahil napakahirap daw na tungkulin ang makitang magsasampa ng kaso at mga reklamo ang mga kapuwa niya mambabatas laban sa isa’t isa. 

“Kung matatanggal po ako sa ethics committee ay malaking bagay po sa akin ‘yan—malaking kagaanan po ito. Sige na po,” aniya. 

Paliwanag pa niya, “Napakahirap nito, it’s an awkward position because you will be hearing cases or complaints against your colleagues na nakasama mo, nakatrabaho mo. Kaya napakahirap talaga nito. Kung mapapatanggal ako ni Aceron, go ahead, malaking kagaanan sa akin ito.” 

Anang senador, wala nga raw nagnanais kumuha ng nasabing posisyon niya sa Ethics Committee at tinanggap niya lang ang puwesto niyang iyon dahil na rin daw sa pakiusap ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kaniya. 

“Definitely [pabor]. Napakahirap [at] wala ngang gustong kumuha nito, e, tinanggap na lang ito dahil nakiusap po ang ating Senate leadership, Senate President Sotto, na tanggapin ko na po ito [Ethics Committee],” pagbabahagi niya. 

“Kaya nga po tinanggap na lang natin ito as a response para ma-fulfill natin ‘yong duty natin,” pahabol pa niya. 

Samantala, nilinaw naman ni Ejercito na hindi raw siya nagkulang sa paggampan ng kaniyang tungkulin sa nasabing komite. 

“Pero napakahirap talaga nito but I’m not remiss. Unang una, because there is the committee, yet. Nagkataon lang na na-designate tayo, hindi pa tayo nagkakaroon ng regular plenary session kaya hindi po siya na-approved ‘yong constitution ng Ethics Committee,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay ito ng pagsasampa ng ethics complaint ng abogadong si Marvin Aceron laban kay Ejercito sa umano’y hindi pagtugon sa reklamo nila noon laban kay Sen. Francis "Chiz" Escudero sa loob umano ng 109 na araw, noong Huwebes, Enero 22, 2026. 

MAKI-BALITA: ‘Di na umusad? Sen. JV Ejercito, 'frustrated' sa mga gulo sa bansa

Mc Vincent Mirabuna/Balita