January 26, 2026

Home BALITA Metro

QC gov't magbibigay ng hanggang ₱160K scholarship sa mga estudyante ng Filipino, Panitikan

QC gov't magbibigay ng hanggang ₱160K scholarship sa mga estudyante ng Filipino, Panitikan
Photo Courtesy: via MB

Naglunsad ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng Manuel L. Quezon Filipino Language and Literature Scholarship Program bilang suporta sa mga estudyanteng nakatuon ang pag-aaral sa wikang Filipino, panitikan, pagsasalin, at iba pang disiplinang kaugnay nito.

Sa ulat na inilabas ng Quezon City Local Government noong Huwebes, Enero 22, layunin umano ng naturang programa na isulong ang kahusayan sa pag-aaral ng Filipino, makatulong sa malikhaing produksyon, at suportahan ang mga pananaliksik na nakasentro sa pagpapalakas ng national identity.

Sa ilalim ng Scholarship for Tertiary Students, kwalipikado ang mga estudyanteng naka-enroll sa mga programang Filipino Language, Filipino Literature, Journalism, Philippine Studies, o Education programs na Filipino ang major. 

Makakatanggap sila ng  ₱160,000 kada academic year sa mga pampribadong institusyon, o  ₱50,000 annual stipend sa mga pampublikong institusyon. 

Metro

Buntis, nanganak sa tabi ng kalye!

Samantala, para naman sa mga Postgraduate Students na nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino, Araling Pilipino, Panitikang Filipino, Comparative Literature o Linggwistika na nakatuon sa Filipino, makakatanggap ang mga kwalipikadong aplikante ng ₱105,000 kada school year.

Bukod dito, magbibigay din sila ng Creative Writing and Literary Grant para sa mga kabataan at batikang manunulat na nagluluwal ng mga orihinal na akda sa wikang Filipino. 

Posible silang makatanggap ng ₱10,000 sa stipend support at hanggang ₱30,000 na publication assistance, na may kabuuang ₱40,000.

Ito ay matapos maipasa bilang batas ang Ordinance No. SP-3458, S-2025 na inamyendahan ang The Expanded Scholarship Code ng Quezon City para mapabilang sa scholarship ang mga estudyanteng nakapokus ang pag-aaral sa mga disiplinang naglalayong paunlarin ang wika, kultura, at panitikang Filipino.