Nagbigay ng reaksiyon si Unkabogable Star Vice Ganda sa umiigting na panawagan ng publiko para tumakbo siya sa halalan.
Sa latest episode kasi ng “It’s Showtime” nitong Biyernes, Enero 23, naungkat ang tungkol dito nang sabihin ni Anne na iboboto umano niya si Vice sakaling sumalang sa eleksyon ang kaniyang co-host.
“Alam mo, dapat tumakbo ka kaya,” sabi ni Anne. “Iboboto kita.”
Pero sabi ni Vice, “Alam mo, tama na. Kasi bata pa lang ako, takbo na ako nang takbo sa Sta. Ana hanggang pagtanda ko ba naman.”
“Hoy, itigil n’yo na nga ‘yang mga takbo-takbo na ‘yan. Bina-bash tuloy ako ng wala akong ginagawa. [...] I’m a beauty queen. I’m not a politician,” dugtong pa niya.
Matatandaang kamakailan lang ay lumutang muli ang panawagan para hikayatin ang pagkandidato ni Vice sa darating na 2028 elections laban kay Vice President Sara Duterte.
"Seryoso ako sa Vice Ganda for President ha. Hindi siya corrupt, nakatapak ang paa niya sa lupa, alam niya ang likaw ng bituka ng masa dahil masa siya, hindi bahagi ng politikal na dinastiya, hindi politiko, hindi elite, hindi nakahulma sa lahat ng tradisyonal na politika na alam natin," mababasa sa post ni award-winning writer Jerry Gracio noong Enero 13.
Maki-Balita: 'Vice Ganda for President sa 2028,' kinakampanya na!
Pero bago pa man ito, nauna na ring inihayag ni award-winning director Lav Diaz ang suporta niya sa kandidatura ng Unkabogable Star sa isang episode ng podcast nina Direk Antoinette Jadaone at JP Habac na "Ang Walang Kwentang Podcast" noong Setyembre 2025.
Kaugnay na Balita: 'Pangwasak sa Sara Duterte wall?' Vice Ganda, pinatatakbong Presidente sa 2028 ni Lav Diaz