Maibabalik na sa tamang mga destinasyon ang libo-libong balikbayan boxes na natengga lamang, ayon sa Bureau of Customs (BOC) nitong Biyernes, Enero 23, 2026.
Ayon sa BOC, mahigit kasi sa 100 container na kargado ng mga balikbayan box ang inabandona ng mga consolidator sa mga pantalan.
Sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang ilan sa mga balikbayan box ay nananatili na sa pantalan sa loob ng hanggang tatlong taon.
"Karamihan dito either eight months ago pa ito dapat na-release more than one year, at meron pang more than two years," ani Nepomuceno.
Ayon sa pinuno ng BOC, umaasa ang pamahalaan na maihatid sa mga tamang tatanggap ang mga balikbayan box sa lalong madaling panahon.
"Hopefully within 60 days, kaya lang di rin natin sigurado 'ung bilis ng ating mga forwarders. Subalit 'di naman peak season na hindi na Pasko baka mapadali pa. Ang importante ma release natin in the next few days 'yung mga containers," dagdag ni Nepomuceno.
Sa mahigit 140 container, 33 na ang nailabas at naibigay sa mga forwarder. Nakikipag-ugnayan na rin ang BOC sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa pagpapalabas ng mahigit 70 pang container.
"'Wag po kayo mag-alala parating na po sa inyong mga mahal sa buhay yung inyong mga boxes," ani Nepomuceno.
Noong Disyembre, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang ilang balikbayan box na matagal nang naiwan sa mga pantalan ay ibabalik sa kanilang mga may-ari bago mag-Pasko.
Kasunod nito, inilunsad ng BOC ang isang online tracking portal para sa door-to-door delivery ng balikbayan box upang matugunan ang backlog ng mga padalang kahon ng mga overseas Filipino worker (OFW) para sa kanilang mga pamilya sa bansa.
Hinimok ng BOC ang publiko na bisitahin ang kanilang website para sa updates, at sinabing patuloy itong ina-update sa bawat rollout ng mga delivery.