January 24, 2026

Home BALITA

'Kung papayagan!' Zaldy Co, handang maging 'state witness' sa ikatlong impeachment case laban kay PBBM

'Kung papayagan!' Zaldy Co, handang maging 'state witness' sa ikatlong impeachment case laban kay PBBM
Photo courtesy: file photo

Inihayag ni dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na nagpahayag umano ng kagustuhan si dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co na tumayong state witness sa ikinasa nilang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa press conference nina Defensor kabilang si Atty. Ferdinand Topacio at iba pang abogado, ipinarating ni Defensor ang nasabing mensahe umano ni Co.

“Kagabi ho, nagpabigay ng mensahe si Congressman Zaldy Co. Ang sabi ni Congressman Zaldy Co, 'Kung papayagan ako, doon sa ifinile ninyong impeachment to become a state witness, kahit na sa zoom...' Ay tatayo siya na witness dito sa grupo na nag-file ng impeachment case,” saad ni Defensor.

Matatandaang noong Huwebes, Enero 22, 2026 nang ihain nina Defensor, kabilang si dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang ikatlong impeachment case laban kay PBBM.

Metro

MMDA, dinepensahan traffic enforcer na pinagbintangang nagtatago sa kalsada

Katulad ng ikalawang impeachment complaint na inihain naman ng Makabayan Bloc noong Huwebes ng umaga, bigo rin ang grupo nina Defensor na pormal na maisumite sa House Secretary General ang kanilang mga reklamo dahil sa pagliban daw ni House Sec. Gen. Cheloy Garafil.

“Bagaman ito ay iniwan na lang namin sa kaniyang opisina, kasi under the rules, under the constitution, ministerial—trabaho talaga ng Secretary General Office na tanggapin ang ganitong mga reklamo,” saad ni Bayan Muna Chairperson Teddy Casiño.

Nang tanungin kung bakit hindi tinanggap ang ikalawang impeachment case, saad ni Casiño, “Absent daw siya. Siya daw ay nasa ibang bansa. Hindi naman pwede ‘yon. Na porket absent ka eh hindi na tatakbo ang opisina mo at hindi na magagawa ng opisina mo, ang iyong trabaho.”

KAUGNAY NA BALITA: 'Absent daw!' House Secretary General, 'di tinanggap ikalawang impeachment case kay PBBM

Samantala, nananatili namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Co na pinaniniwalaang nagtatago sa Portugal. Noong Enero 19 nang maglabas ng show cause order ang Senado upang makasipot na siya sa imbestigasyon nito sa maanomalyang flood control projects.

Si Co ang itinuturong isa sa mga malalaking pangalang nauugnay sa budget insertions at kickback sa pagpopondo ng palpak na flood control projects noong 2025.