Nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa mga dayuhang turista at vloggers na gumagawa ng mga mapanirang online content sa Pilipinas.
Sa panayam sa media noong Huwebes, Enero 22, 2026—kasunod ng pagkakaaresto ng isang Estonian at Russian vloggers—sinabi ni Remulla na bagama’t maluwag ang Pilipinas sa pagtanggap ng mga dayuhang turista, ay nakahanda raw ang DILG na umalma sa mga maling gawain ng mga ito.
“Minamahal natin ang turista. Ang turismo ay malaking bagay sa ating ekonomiya. Pero kung ang mga dayuhan na ito ay ginag*g* tayo, ay hindi natin aatrasan ito,” ani Remulla.
Matatandaang kapuwang nasakote ng pulisya ang Estonian vlogger na gumawa ng online content na nagsasabing mukha umanong unggoy ang mga Pinoy at isang Russian vlogger na iginiit naman sa kaniyang content na magpapakalat daw siya ng HIV bansa.
Saad pa ni Remulla, “Nakikita n’yo naman, hindi lang sabi n’ya pagkakalat niya ang kaniyang sakit ng HIV, minumura pa ang lahat ng Pilipino. Ayan ang nakakapikon.”
Nilinaw din ni Remulla na negatibo sa HIV test ang naturang Russian vlogger.
“Para sa kaalaman ng lahat, nung sa kaniyang pagkakaaresto ay tinest siya.Negative siya sa HIV, negative sa lahat ng STD. In other words, nagpapasikat lang, ginagamit [ang] mga Pilipino,” anang DILG Secretary.
Iginiit din ni Remulla na sasampolan daw ng gobyerno ang paglalapastangan ng nasabing mga vloggers sa bansa.
“Bibigyan natin ng buong bigat ng batas para maramdaman nila na kung maganda ang Pilipinas sa pag-iikot, sila ay mas magagandahan ‘pag nasa loob na ng preso,” aniya.
Dagdag pa niya, “Let this be an example to all the tourists. We love you all. We welcome you to the Philippines. But do not abuse our hospitality.”