January 25, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Nakikilala ba ang personality ng isang tao base sa sulat-kamay?

ALAMIN: Nakikilala ba ang personality ng isang tao base sa sulat-kamay?
Photo courtesy: Unsplash

“Grabe ‘yong sulat mo, parang kinahig ng manok!” 

Nakarinig na ba kayo ng ganitong puna tungkol sa sulat-kamay n’yo? 

Kung oo, marahil ay panahon na ito para ayusin ang sulat-kamay dahil ayon sa pag-aaral ng Reader’s Digest, ang sulat-kamay ng isang tao ay posibleng magamit para matukoy ang kanilang personalidad. 

Bagama’t hindi kinokonsiderang siyentipiko ang graphology o handwriting analysis, ito ay itinuturing na “projective technique,” isang research method na idinesenyo para malaman ang iniisip, pakiramdam, at pangangailangan ng isang research participant na hindi hayagang ibinabahagi.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga imahen ng Sto. Niño na tanging aprubado ng Simbahang Katolika

Kaya ayon sa nasabing pag-aaral sa Reader’s Digest, ang sumusunod ay ilan sa mga indikasyon na ginagamit para makilala ang personalidad ng isang tao sa pamamagitan ng sulat-kamay: 

1. Heavy vs. Soft pen pressure 

Ang pagkakaroon ng heavy pen pressure o madiin na pagsulat ay posibleng nagpapakita na ang manunulat ay energetic at aktibo dahil sa intensidad ng mga guhit ng mga letra o hugis sa papel. 

Habang ang soft pen pressure o mahinay na pagsusulat ay posibleng nagpapakita ng mas yielding o maamong personalidad. 

2. Malalaki vs. Maliliit na letra 

Ang mga tao daw na madalas magsulat sa maliliit na letra ay maaaring makita bilang introvert dahil sa kaunting espasyo na nasasakop nito sa papel.

Kadalasan din daw ay mayroong mataas na concentration skills ang mga taong maliliit magsulat. 

Habang ang mga gumagamit ng malalaking letra ay maaaring extroverted o mas may preference sa pagiging sentro ng atensyon. 

3. Rounded vs. pointed na mga letra

Ang mga tao na gumagamit ng pointed o mga patusok na letra ay kadalasang iniuugnay sa pagkakaroon ng analytical, left-brain processing o ang madalas na pagkakaroon ng mahusay na kasanayan sa matematika at lohika, ayon sa Verywell Mind. 

Sa kabilang banda, ang mga taong gumagamit ng rounded o mga pabilog na letra ay nakikitang mas emosyonal. 

4. Mabagal at minadaling sulat

Kadalasan, kinakikitaan ng detail-orientedness o pagiging metikuloso ang mga taong mababagal magsulat.

Ayon pa sa pag-aaral na ito, nakikita na posibleng ang taong may mabagal o mabusising pagsusulat ay may perspektibo na “slow and steady.” 

Habang ang mga taong may tila minadaling sulat-kamay ay nakikita bilang taong mas mabilis mag-isip at dynamic. 

5. Espasyo sa pagitan ng mga letra

Sa pag-aaral rin na ito, dahil ang itinuturing na standard spacing sa pagsusulat ay may layong karakter ng letra pagitan ng bawat salita, ang mga taong may maliliit na espasyo sa sulat ay kinakikitaan ng pagiging “needy at intrusive” o paghahanap ng atensyon sa iba. 

Habang ang mga taong may sobrang espasyong pagitan sa mga sulat ay nakikita bilang “distant, disconnected, or isolated.” 

Ayon naman sa pag-aaral ng Forbes, ang graphology ay nakikita bilang importanteng parte ng sikolohiya. 

Sean Antonio/BALITA